Home METRO Mga hayop sa NegOr, ligtas sa foot and mouth disease

Mga hayop sa NegOr, ligtas sa foot and mouth disease

134
0

DUMAGUETE CITY – Nananatiling ligtas sa foot and mouth disease (FMD) ang mga hayop sa Negros Oriental, ayon sa Provincial Veterinary Office (PVO) noong Huwebes.

Ayon kay PVO spokesperson Jaymar Vilos, magkaiba ang FMD sa mga hayop at ang hand, foot, and mouth disease (HFMD) sa mga tao.

Inilabas ang pahayag kasunod ng ulat ng Provincial Health Office (PHO) hinggil sa mga kaso ng HFMD sa Negros Oriental, na karamihan ay mga batang paslit.

Hanggang Pebrero 21, umabot na sa 31 kaso ng HFMD sa mga tao ang naitala sa lalawigan, na walang naiulat na namatay.

Sinabi ni Vilos na, batay sa World Animal Health Information System, malaki ang pagkakaiba ng FMD sa hayop at HFMD sa tao, at napakabihira ng transmission ng FMD mula sa hayop patungo sa tao.

Tiniyak niya sa publiko na ligtas kainin ang karne ng mga biyak-ang-kuko (cloven-footed) na hayop tulad ng baboy, baka, at kambing, na karaniwang apektado ng FMD, dahil wala namang kaso ng naturang sakit sa lalawigan.

Patuloy ang monitoring at surveillance ng PVO upang matiyak na hindi mahahawaan ng FMD ang mga hayop sa probinsya. Regular din ang blood sample screening ng mga ito.

Ang mga hayop na ilalabas ng lalawigan ay kinakailangang kumuha ng sertipikasyon mula sa PVO na sila ay walang sakit, kabilang ang FMD.

Nagtayo rin ng border checkpoint upang suriin ang mga dokumento ng mga hayop na dinadala papasok sa probinsya.

Samantala, naniniwala si Vilos na maaaring nagmula sa isang “imported case” o isang infected na taong dumating sa lalawigan ang pagkalat ng HFMD sa mga tao.

Hinimok ng mga health authority ang publiko na panatilihin ang wastong kalinisan, lalo na ang madalas na paghuhugas ng kamay bago kumain.

Ang HFMD ay isang nakahahawang viral illness na naipapasa sa pamamagitan ng respiratory droplets, malapit na pakikipag-ugnayan, at fecal matter.

/Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here