Home NATIONWIDE Mga hindi pa natatalakay sa grave threats ni VP Sara sasagutin ni...

Mga hindi pa natatalakay sa grave threats ni VP Sara sasagutin ni Matibag – Adiong

7
0

MANILA, Philippines – Sasagutin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang mga hindi pa nasasagot na tanong na naiwan ng dalawang naunang testigo ukol sa grave threats ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House impeachment trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, tatalakayin ni Matibag ang mas malawak na preliminary investigation na isinagawa ng National Bureau of Investigation bilang institusyon.

“Our last witness that we will present tomorrow will be Director Matibag para masagot at matahi yung mga hanging questions na tinanong in the previous week kay NBI Regional Director Jeremy Lotoc,” paliwanag ni Adiong.

Una nang iniharap ng prosekusyon si NBI Senior Agent John Mark Calilung upang patunayan ang pagiging tunay ng mga rekording na naglalaman ng mga pagbabanta ni VP Duterte, at itatag ang wastong paghawak sa digital na ebidensya.

Sumunod na iniharap bilang testigo si Lotoc hinggil sa imbestigasyon ng Cybercrime Division at mga natuklasan nito ukol sa mga narekord pagbabanta.

Inaasahan naman na tatalakayin ni Matibag ang mga bagay na hindi lubusang nasagot ng mga naunang testigo dahil limitado lamang ang kaalaman ng mga ito sa kani-kanilang yunit at tungkulin.

“So ito ang magiging finale nitong article 4, ang presentasyon ng House Prosecution Panel kay Director Matibag at ang pagbibigay niya ng information, facts surrounding the preliminary investigation conducted by the NBI,” paliwanag ni Adiong.

Ang Article IV ng impeachment ay ang pagbanta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., unang ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Adiong na sasagutin ni Matibag ang mga tanong mula sa parehong prosekusyon at depensa batay sa kanyang kaalaman bilang pinuno ng ahensya pangunahing nag-imbestiga sa kaso.

“We expect him to inform the court or appraise the court based on the knowledge that he has surrounding the preliminary investigation,” dagdag pa ni Adiong.

Inaasahan ng prosekusyon na sa pagtatapos ng testimonya ni Matibag ay mabubuo na ang kanilang ebidensya sa ilalim ng Article IV.

Samantala, tumanggi naman si House Prosecution Legal Spokesperson Benjamin Tolosa na ibunyag ang mga detalye ng inaasahang testimonya ni Matibag.

“What I can tell you is that aside from corroborating the testimony given by our two witnesses, he will be giving new important information,” ani Tolosa.

“And I can also assure you that you wouldn’t want to miss his testimony tomorrow,” dagdag pa ni Tolosa.

Si Matibag ay haharap sa impeachment court sa Martes, Hulyo 21. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here