MANILA, Philippines – Agad tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 8-Eastern Visayas ang mga indibidwal na apektado ng mga paghihigpit sa daanan dahil sa emergency repair ng San Juanico Bridge, sinabi ng isang opisyal ng ahensya nitong Martes, Mayo 20.
Sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG) ng DSWD na nakapagbigay ang ahensya ng 211 kahon ng family food packs (FFPs) na nagkakahalaga ng Php135,472.55 sa mga stranded na indibidwal sa lugar ng tulay.
“Sa utos ni Secretary Rex Gatchalian, ang Field Office-8 ay agad na nagbigay ng FFP sa lahat ng mga apektadong trucker, porter, driver, at pasahero,” ayon kay Asst. Secretary Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD.
Nabatid sa opisyal ng DRMG na pinadali ng DSWD Eastern Visayas ang profiling at assessment ng mga strandees sa pamamagitan ng Family Access Card in Emergencies and Disasters (FACED).
Ang FACED ay isang profiling strategy sa pagkolekta ng demographic at socioeconomic data ng disaster-vulnerable at disaster-affected na mga pamilya tulad ng kanilang pangalan, edad, kasarian, edukasyon, at kita, pati na rin ang post-disaster data at impormasyon tungkol sa makataong tulong na natanggap.
“Sa pamamagitan ng FACED assessment, tinukoy ng ahensya ang mga pangangailangan ng mga apektado at natukoy kung anong tulong ang maaaring ibigay,” ipinunto ni Dumlao.
Maliban sa pagbibigay ng FFPs, pinaplano rin ng DSWD-8 na i-deploy ang kanilang mobile kitchen para makatulong sa pagbibigay ng maiinit na pagkain sa mga strandees.
“Makikipagpulong kami sa mga lokal na pamahalaan kung paano tutulungan ang mga stranded na pasahero. Sa unang pagkakataon, ipapakalat namin ang aming mobile kitchen para magbigay ng maiinit na pagkain sa mga apektadong trak at biyahero,” sabi ni DSWD Eastern Visayas Region Director Grace Subong.
Noong Mayo 18, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na ang mga hakbang sa kaligtasan, kabilang ang pagbabawal sa mga pedestrian, ay isasagawa sa San Juanico Bridge na dapat isagawa sa rehabilitasyon. Santi Celario