Home OPINION MGA ISYUNG LULUBOG, LILITAW

MGA ISYUNG LULUBOG, LILITAW

260
0

BAGO pa ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matunog na matunog ang isyu kaugnay sa Missing Sabungeros kung saan itinuturong ‘mastermind’ ay ang bilyonaryong si Charlie “Atong” Ang at kanyang best friend forever na ang aktres na si Gretchen Barreto.

Pero sa pagbanggit ni Presidente Marcos ng mga katagang “Mahiya naman kayo” kung saan ang pinatutungkulan ay ang mga politiko at kontratista na nagsamantala sa mga proyekto kaugnay sa baha, halos hindi na o bihirang bihira na nababanggit ang kaso ng mga sabungero na nawalang bigla at hinihinalang ipinapatay dahil sa kanilang pagkakasangkot sa dayaan sa laro.

Sa madaling salita, natabunan bigla ang kaso. Hindi na pinapansin masyado ang anomang isyu hinggil sa usaping kinasasangkutan nina Ang at Barreto at iba pang pulis na isinasangkot sa kaso.

Ang matinding pinagtutuunan ng pansin ngayon ay ang pagbubunyag ni Pangulong Marcos sa mga kontratista na nakakuha ng kontrata sa pamahalaan sa anti-flood projects.

Andiyang sumulpot ang Mayors for Good Governance na sumusuporta kay PBBM upang imbestigahan ang mga kontratista na may mga kakilala sa pamahalaan kung kaya’t bilyong proyekto ang nakuha.

Pero, biglang pumutok muli ang isyu ng ‘Missing Sabungeros’ nang maghain ng irrevocable resignation si National Bureau of Investigation director Jaime Santiago bagaman hindi sinabi ang totoong dahilan ng kanyang pagbibitiw.

Sinabi lang ng dating “Sharpshooter ng Maynila”, abogado, fiscal at hukom na mas makabubuting bumitiw kaysa tuluyang masira o madungisan ang kanyang pangalan na matagal niyang iningatan.

Ngunit, hindi sinasabi na may kinalaman ang kaso sa pagbibitiw basta ang sinasabi ng mga balita ay mayroong “bagman” si Santiago na mariin nitong itinanggi.

Naging malinis ang pangalan ng NBI director kahit noong siya ay pulis pa lang. Ganoon din noong siya ay naging piskal, at hukom. Hindi niya pinayagang madungisan o mabahiran ng korapsyon ang kanyang serbisyo.

Ganyan lang ang buhay. Kapag may matinding isyu, upang mamatay ay kaagad na nagpapaputok ng panibagong pangyayari na pag-uusapan at doon na matutuon ang pansin ng marami. Patay na ang dating isyu ‘wag lang may kaganapan muli na bubuhay rito.

Kaya nga kapag may isyu ang sabi ng marami, hayaan na lang at huwag na pansinin. “It will die a natural death” ika nga.

Pero sa ibinunyag ni Presidente na mga kompanya na nagkakuha ng bilyong proyekto sa anti-flood, dapat lang na paimbestigahan at kailangang may managot. Hindi pwedeng basta na lang mamatay ang usapin na walang naparurusahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here