HINDI na bago sa mga Pilipino ang pagbaha tuwing may malakas na ulan, bagyo o habagat. Ngunit sa panahon ngayon, hindi lamang mababang lugar ang binabaha. Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, baradong drainage, pag-apaw ng ilog at iba pang epekto ng matinding panahon, maaaring biglang maging peligroso ang dating ligtas na lugar.
Kapag binabaha ang bahay, unahin ang buhay, hindi ang mga gamit. Patayin agad ang main electrical breaker kung ligtas itong gawin at huwag hahawak sa electrical switches o appliances kung basa ang paligid. Ilipat sa mataas na lugar ang mahahalagang dokumento, gamot, pagkain at electronic devices.
Iwasang lumusong sa baha dahil maaaring may nakalubog na kable ng kuryente, matutulis na bagay, kemikal, sewage at iba pang contaminant. Huwag ding hayaang maglaro ang mga bata sa baha dahil sa panganib na mahagip ng motorista at sakit tulad ng leptospirosis at iba pa.
Kung patuloy na tumataas ang tubig, lumikas agad sa mas ligtas at mataas na lugar. Huwag maghintay na umabot ang tubig sa dibdib bago kumilos. Mas mainam kung mayroon tayong emergency GO-BAG kit na mabibitbit. Patuloy na magmonitor sa mga anunsyo ng local government unit at tumawag sa emergency hotline para makahingi ng tulong sa evacuation. Tipirin ang paggamit ng communication devices lalo na kung walang powerbank.
Paano naman kung ma-stranded sa expressway gaya ng North Luzon Expressway o NLEX? Huwag mag-panic at huwag basta-basta bumaba ng sasakyan. Kung umaandar pa ang trapiko, manatili sa tamang lane at sundin ang traffic advisories. Kung tuluyang huminto ang daloy, patayin ang makina at panatilihing nakasara ang mga pinto at windows pero mag-iwan ng sapat na espasyo para sa bentilasyon.
Huwag gamitin ang shoulder bilang alternate lane maliban kung emergency. Makipag-ugnayan sa expressway management o emergency responders kung kailangan ng tulong.
Mahalaga ring may sapat na tubig, pagkain, fire extinguisher at emergency kit sa sasakyan tulad ng flashlight, power bank, first-aid kit, basic tools, emergency urine bags o portable travel urinal, at rain gear.
Maging aral na sa atin ang mga nangyari kamakailan at gawin ang ganitong mga inisyatibo. Malaki ang magagawa ng kahandaan bago ang baha at ang pagiging kalmado habang may emergency, sa bahay man o sa expressway.






