MANILA, Philippines- Pipiliin ng mayorya ng mga botanteng Pilipino ang mga kandidatong pananatilihing abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo at magpapahusay sa health care sa May 2025 elections, ayon sa pinakabagong OCTA Research survey.
Ipinalabas noong Sabado, nakatutok ang Tugon ng Masa survey ng OCTA Research para sa April 2025 sa mga pangunahing isyu na maaaring makaimpluwensya sa desisyon ng mga botante sa eleksyon ngayong taon.
Lumabas sa non-commissioned survey na sa 1,200 adult Filipino respondents, 53% ang nakita ang abot-kayang basic goods at services bilang pinakamahalagang alalahanin.
Sinundan ito ng pangangailangang paghusayin ang healthcare system (50%) at kahalagahan ng pagpapalakas sa agriculture sector at pagtitiyak sa stable food supply (47%).
Lumabas din na prayoridad ng mga Pilipino ang pagpapalawak ng job opportunities (41%) at pagtugon sa kahirapan at gutom (38%).
“These concerns reflect the electorate’s desire for candidates who can address essential aspects of economic and social well-being,” pahayag ng OCTA survey.
“These concerns highlight the electorate’s focus not only on issues on the economic and social well-being, but also with ensuring peace and order in the country,” dagdag nito.
Batay sa OCTA Research, isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interviews mula April 10 hanggang 16, 2025.
Mayroon itong ±3% margin of error sa 95% confidence level. RNT/SA