Home NATIONWIDE Pagkalat ng video ng ‘pambubugbog’ ni Pulong ‘di kagagawan ng mga pulis...

Pagkalat ng video ng ‘pambubugbog’ ni Pulong ‘di kagagawan ng mga pulis – PNP

MANILA, Philippines- Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na ang kumakalat na video na kinasasangkutan umano ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte, kung saan makikita ang umano’y pambubugbog nito sa isang lalaki sa bar ay hindi mula sa sinumang pulis.

Nilinaw ito ng PNP matapos maghain ang isang negosyante ng reklamong physical injuries and grave threats laban sa kongresista sa Department of Justice (DOJ). 

Batay sa complainant sa kanyang sworn statement, pinagbantaan umano siya ng solon, pinakamatandang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, gamit ang kutsilyo at binugbog siya sa loob ng halos dalawang oras noong February 23 sa loob ng isang bar sa Davao City.

Kumakalat naman ang CCTV footage ng nasabing insidente, maging affidavit ng complainant, sa social media. 

“Ang mga video na kumakalat online ay hindi galing sa PNP, at wala ring PNP unit o personnel na naglabas nito,” giit ng PNP.

“Iginagalang ng PNP ang proseso ng batas. Sa ngayon, ang kaso ay opisyal nang naisampa sa Department of Justice, kaya kung may mga katanungan tungkol sa nilalaman ng reklamo, dapat po itong idulog sa kanilang tanggapan,” dagdag nito.

Nanatili namang tahimik ang mambabatas hinggil sa reklamo.

“Sa mga kapatid kong Davaoeño, ngayon may nakita na naman kayong video. Matagal-tagal na itong nangyari. Ah sige lang, nasa sa inyo pa rin ang desisyon kung sino ang inyong ibobotong congressman sa unang distrito. ‘Di ako makikialam,” aniya sa wikang Cebuano sa isang video na naka-post sa kanyang Facebook account.

Samantala, sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang isinampang reklamo laban sa kanyang kapatid ay bahagi ng umano’y  political attacks ng Marcos administration sa kanilang pamilya. RNT/SA