Home OPINION KABOBOHAN, KORAPSYON SA EDUKASYON

KABOBOHAN, KORAPSYON SA EDUKASYON

NAKAPANLULUMO ang rekord ng bilang, kalagayan at kalidad ng mga mag-aaral at gradweyt sa kinder hanggang senior high school (SHS).

Kapain natin ang ilang datos, mga Bro, mula sa Senado at Department of Education.

Simula noong ipasa at pairalin ang Kindergarten Education Act of 2012, may taon-taong enrollment dito na nasa 871,000 batay sa datos noong 2023.

Sa sumunod na taon, ipinasa naman ang Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 na nagsasabing dapat 12 taon ang batayang edukasyon mula sa kinder na 1 taon, elementarya – 6 taon, junior high school – 4 taon at senior high school – 2 taon.

Dito pa lang, may problema na sa bilang ng mga nagtatapos simula noong 2012 at 2013.

Noong Agusto 2024, sa mahigit 23 milyong estudyanteng nag-enroll sa public at private schools, may 13,234,374 ang nasa elementarya pero may 7,011,942 junior high school na lang ang natira at pagkatapos, 3,317,973 na lang din ang natirang senior high school.

Ang masakit pa, mga Bro, nasa 1.8M na lang ang natitira bilang graduates sa SHS: 1.3M sa akademiko at 500,000 sa bokasyunal/teknikal.

Sa nakalipas na 10 taon, masakit talagang katotohanan na malamang nasa 18M o 21 porsyento sa SHS graduates ang functionally illiterate o marunong magbasa, magsulat at magkwenta ngunit hindi naman maintindihan ang kanilang binasa, isinusulat at kinukwenta.

Sa kabuuan o mula edad 10 hanggang 64, umaabot sa 24M lahat ang functionally illiterate.

May kabobohan o Enteng Kabisote sa madaling salita.

Heto pa, bago mag-2024, may 79 functionally literate pero pagdating ng 2024, anak ng tokwa, 60M na lang sila.

Eh, di lalong masama kung isama natin sa usapan ang 6-9 years old at lagpas sa 64 years old.

Anyare?

MGA PROBLEMA

Sinasabing kabilang sa mga problema ang pagpapasa sa mga estudyante sa pakiusap ng mga magulang, awa ng mga titser sa bata at sistemang mass promotion para “no one is left behind” ba?

Pero hindi kaya may mas malalaking problema gaya ng korapsyon o pandarambong?

Halimbawa, ang P2.4 bilyong laptop noong 2021 na tulong sana sa mga mag-aaral ay mahina nang klase, in-overprice pa ng P979 milyon.

Simula noong Hulyo 2023, iniimbestigahan na ito ng Ombudsman at may mga sinuspinde nang taga-Department of Education at Department of Budget and Management, pero hindi maliwanag kung kasama sa kaso ang isang kongresman na kumontrata rito.

Isa pa ang pagbibintang sa climate change na sumisira sa pag-aaral ng mga bata at mga eskwela dahil sa matitinding pagbaha tuwing may malalakas na ulan at bagyo.

Sa nakalipas na 2023 at 2024, mga Bro, mahigit sa P600 bilyon ang ginastos ng gobyerno sa anti-flood projects ngunit nitong nakaraang pagdinig para sa 2025 pambansang badyet, hinanap ni Senate President Chiz Escudero ang mga proyekto dahil tila walang nangyari sa higanteng badyet na ito sa mga grabeng pagbaha na nanira nanira sa bansa, kasama ang pag-aaral ng mga nabahang estudyante at mga paaralan.

Sino-sino nga pala ang mga kongresman at senador na nagpanukala o/at nag-apruba sa P600B anti-flood control projects, pwera pa ang mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan?