Home OPINION SALAMAT SA COMELEC VS P20/K BIGAS

SALAMAT SA COMELEC VS P20/K BIGAS

NAGPAPASALAMAT ang Lupa’t Langit sa aksyon ng Commission on Elections na pinamumunuan ni Chairman George Garcia na pahintuin ang pagbebenta ng bigas-National Food Authority na nagkakahalaga ng P20 kada kilo upang hindi ito magamit bilang anyo ng pagbili ng boto para sa halalang Mayo 12, 2025.

Matatandaang sinimulang lutuin ng Department of Agriculture ang programang P20/kilo noong Abril 23, 2025 o tatlong araw bago inanunsyo ng Comelec ang pagbabawal sa pamimigay ng ayudang Assistance to Individuals in Crisis Situations, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, 4Ps at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.

Tanging ang ayuda sa nagkakasakit, paglilibing at bentahan ng P20/kilong bigas-NFA ang hindi sakop ng pagbabawal na itinakda sa Mayo 2 hanggang 12, 2025.

Pero dalawang araw bago ang implementasyon ng bawal na ayuda, ipinakiusap na rin ng Comelec sa DA na huwag magbenta ng nasabing bigas-NFA…na sinunod naman nito.

Kaya salamat na rin kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pakikinig sa pakiusap ng Comelec bagama’t maaaring magsisilbi pa ring pangako ito at kakagatin ng iba para bumoto sa kung kanino sa Mayo 12, 2025.

Ang sabi ng DA, makikinabang ang nasa apat milyong Pinoy sa unang arangkada ng programa at lalong darami ang makikinabang kapag maging pambansa na ang saklaw nito.

Punumpuno umano ang mga bodega ng NFA sa 380,000 toneladang imbak nito kaya dapat nang magbenta ito upang kumita para pambili ulit ng palay sa susunod na anihan.

Ngunit hindi kaya ang mga binili noong anihang Oktubre-Nobyembre 2024 ang ibebenta dahil maaaring mabukbok ang mga ito makaraan ang anim na buwang pagkakaimbak?

Isa pa, dapat isipin din na bumibili ang NFA ng palay sa presyong P17-23 kada kilo kaya tiyak na lugi ito sa pagbebenta ng P20 kada kilo.

Paano at kailan kaya darating ang araw na magmumula sa magandang ani ng palay ang programang P20/kilo at hindi sa subsidyong ikinalulugi ng gobyerno?