Home HOME BANNER STORY Mga kandidatong may adbokasiya para sa food security, healthcare iboboto ng 90%...

Mga kandidatong may adbokasiya para sa food security, healthcare iboboto ng 90% ng mga Pinoy – sarbey

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Tinatayang 90% ng mga Filipino ang nagpahayag ng kanilang suporta para sa mga kandidatong magiging tagapagtaguyod o may adbokasiya para sa food security at makapagpapalakas sa health care system.

Ito ang lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Makikita rin sa SWS survey, isinagawa mula Pebrero 15 hanggang 19 at kinomisyon ng Stratbase Group, na 89% ang boboto para sa mga taong itutulak na itaas ang job opportunities at patas na access sa edukasyon.

May 88% ng mga respondent ang boboto para sa kanilang mga ‘manok’ na paninindigan ang karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kabilang dako, ang iba pang adbokasiya at kani-kanilang porsyento sa SWS survey results ay:

  • bawasan ang kahirapan at kagutuman ng mga Filipino-— 83%

  • kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo — 81%

  • tugunan ang epekto ng climate change at palakasin ang disaster preparedness — 79%

  • ipagtanggol ang national security at soberanya sa West Philippine Sea — 77%

  • labanan ang ilegal na droga — 77%

  • mapagtagumpayan ang energy security at paggamit ng renewable energy — 75%

  • paglaban sa krimen na bumibiktima sa ordinaryong mamamayan gaya ng pagpatay, holdup, mga pagnanakaw, pisikal na karahasan at iba pa— 72%

  • pagpuksa sa graft and corruption sa gobyerno — 70%

  • pagsasabatas ng batas laban sa political dynasties — 63%

  • patas na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado — 53%

Samantala, gumamit ang SWS survey ng face-to-face interviews na may 1,800 registered voters sa buong bansa na may edad na 18 taong gulang at pataas.

Sa nasabing bilang, 300 ang sa Metro Manila, 900 sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Metro Manila), 300 sa Visayas, at 300 sa Mindanao.

Ang sampling error margins ay ±2.31% para sa national percentages, ±3.27% para sa Balance Luzon, at ±5.66% each para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Nakatakda ang 2025 midterm polls sa May 12. Kris Jose