MANILA, Philippines- Mananagot ang mga may-ari ng kompanya na ipasasawalang-bahala sa reklamo ng kawani na biktima ng sexual harassment.
Ito ang nakasaad sa desisyon ng Supreme Court (SC) Secind division na nagsasabing maaring magbayad ng danyos ang employer na mabibigong kumilos upang maresolba at mapanagot ang salarin sa paglabag sa Anti-Sexual Harassment Act of 1995.
Sa desisyon na iniakda ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, pinagtibay nito ang naging ruling ng Court of Appeals (CA) na magbayad ng danyos ang Xerox Business Services Philippines, Inc. (Xerox Services) sa empleyado nito na nagreklamo ng sexual harassments laban sa team leader ng opisina.
Sa rekord ng kaso, nangyari ang insidente taong 2015 habang nasa opisina ang kanyang team leader na si Nilo Dela Peña ay nagsimulang i-harass ang biktima sa loob ng kanilang storage room.
Kabilang pa sa mga insidente ng sexual harassment na ginawa sa kanya ni Dela Peña ay ang biglang paghawak sa kanyang balakang at pilit siyang hinalikan at hinawakan ang kanyang dibdib.
Sinabi ng complainant na dahil sa mga insidente ay inayawan na niya pumasok sa trabaho at nagiging balisa at umiiyak siya tuwing nakikita ang salarin.
Naghain ang biktima ng formal complaint sa Human Resources Department ng kanilang kompanya ngunit walang ginawang aksyon ang kompanya upang maprotektahan ang biktima.
Sa halip ay hindi pa ibinigay sa biktima ang kanyang tatlong araw na sahod noong May 2015.
Dahil dito ay nagsampa siya ng kaso laban sa Xerox Service at kay Dela Peña sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Kinatigan ng DOLE ang nais ng biktima na mabayaran ng danyos hanggang sa makaakyat ang kaso sa SC dahil sa apela ng Xerox Service.
Ayon sa SC, ang sentro ng sexual harassment ay hindi ang paglabag sa sexuality ng biktima kundi ang pag-abuso sa kapangyarihan ng salarin.
Binigyan-diin ng Korte na hindi ito mangingimi na pagkalooban ng tama at nararapat ang biktima sa ilalim ng RA 7877. Teresa Tavares