MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi ito magpapataw at hindi rin nagrerekomenda ng anumang parusa laban sa mga magulang na tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak, at iginiit na edukasyon ang pangunahing prayoridad ng ahensya.
Naglabas ng paglilinaw si DOH Secretary Ted Herbosa noong Pebrero 26 kasunod ng isang erratum kaugnay ng isang hindi opisyal na rekomendasyong nabanggit sa isang pagdinig sa House of Representatives.
“Kailangan i-inform at i-educate ang mga magulang tungkol sa benepisyo ng mga bakuna,” ani Herbosa. “So inuulit natin, wala po tayong i-impose na penalty,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Herbosa na hindi bahagi ng polisiya ng DOH ang pagpaparusa sa mga magulang at iginagalang ng ahensya ang karapatan at paniniwala ng mga ito.
“Naniniwala kami sa human rights at paniniwala ng ating mga magulang kung gusto o ayaw nilang magpabakuna,” aniya.
Inulit din ni DOH spokesperson Albert Domingo na hindi kabilang sa opisyal na posisyon ng departamento ang pagdaragdag ng parusa sa hindi pagpapabakuna ng mga bata.
“The Secretary has clarified that the Department is NOT recommending the addition of any penalties for the failure to have children immunized,” pahayag ni Domingo.
Dagdag niya, layunin ng DOH na palakasin ang kumpiyansa sa bakuna sa pamamagitan ng tamang impormasyon, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at pagpapabuti ng access sa mga serbisyong pang-immunization.
“The correct way is to improve information and education initiatives, as there are human rights involved,” ani Domingo.
Tiniyak ng DOH na patuloy nitong babalansehin ang layunin ng pampublikong kalusugan at ang paggalang sa indibidwal na karapatan habang isinusulong ang nationwide immunization efforts. RNT