Home METRO Mga magulang ng child laborers binigyan ng kabuhayan ng DOLE

Mga magulang ng child laborers binigyan ng kabuhayan ng DOLE

MANILA, Philippines- Namahagi ang Department of Labor and Employment Region 12 Cotabato Field Office ng livelihood starter kits sa mga magulang ng child laborers sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Barangay La Fortuna, M’lang, Cotabato.

Ayon sa DOLE, ito ay bilang pakikiisa sa layuning wakasan ang child labor sa bansa.

Kabilang sa mga natanggap ng mga benepisyaryo ay livelihood kits tulad ng carenderia packages, welding machine, manicure, carpentry, gardening, at carwash packages.

Layon ng programa na mabigyan ang mga magulang ng pagkukunan ng kita at makatulong na mabawasan ang kanilang pinansyal na pangangailangan na kadalasang nagtutulak sa mga bata sa pagtatrabaho.

Sa pamamagitan nito, nagsisilbing tulay ang Kagawaran sa pagkamit nila ng financial stability habang tinitiyak na ang mga bata ay magkakaroon ng pagkakataong manatili sa paaralan at maranasan ang pagiging batang malaya.

Nanguna sa nasabing inisyatiba sina Labor and Employment Officer II Rica Mea Pepugal, Livelihood Development Specialist George Stephen Lasaga, M’lang Public Employment Service Office (PESO) Manager Mary Ann Cortado, M’lang Vice Mayor Joselito Piñol, at iba pang mga lokal na opisyal.

Ang DILP o Kabuhayan Program ay isa sa mga programa ng DOLE na nagbibigay ng tulong at kapasidad na makapagnegosyo ang mga vulnerable, disadvantaged, at marginalized na mga manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden