Ito ang babala ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga “tolongges” o mas kilalang salot ng lipunan na nagbalik sa kapitolyo ng bansa.
Aniya, sa oras na makabalik muli bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila ay ipinangako nitong ibabalik ang kanyang “hands-on governance” upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa mga lansangan araw man o gabi.
“Ikinakabahala ngayon ng mga taga-Maynila ang mga nangyayari sa Taft Avenue, R-10 at sa iba’t ibang sulok ng Maynila ang nagbabalikan na mga tolongges,” pahayag ni Domagoso sa isang panayam.
“Pananagutin natin sila sa batas, ‘yan ang mga pine-present natin noon every week,” giit ng dating Alkalde na ngayon ay kandidatong muli bilang Mayor sa Maynila.
Sinariwa naman ng alkalde na tinugis nila at ipinakulong ng kanyang administrasyon ang mga kriminal na nagtago sa labas ng lungsod, maging sa malalayong lugar.
“Hinuhuli natin ang mga suspek noon saan man sila nagtatago,” ani Domagoso.
Sa kanyang istilo ng pamamahala, tiniyak ni Domagoso sa mga residente ng Maynila ang ikamamatay ng kriminal ay puyat dahil sinisiguro nito na hindi niya patutulugin ng mahimbing ang mga may sala sa batas at agad itong papanagutin.
“‘Yung mamamayan ng Maynila, natutulog ka sa hatinggabi, alam mo may gobyerno pa sa kalsada, alam mo na may pamahalaan pa na nagtatrabaho para sa inyo. ‘Yon lahat, this kind of peace of mind na may gobyerno,” ani Domagoso. JR Reyes