MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang mambabatas na mapanagot kung may pagkukulang na naging sanhi ng pagguho ng bagong gawang tulay sa Isabela.
Matatandaan na gumuho kasi ang P1.2 bilyong halaga ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 27, na nagresulta sa pagkasugat ng anim na indibidwal.
Pinaimbestigahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang insidente at sinabing ang ikatlong span ng tulay mula sa Cabagan side ay bumigay matapos dumaan ang dump truck na may timbang na 102 tonelada.
“Tulad ng sinabi ko nung Huwebes ng gabi pa lang —heads must roll,” pahayag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
Hinimok din niya ang DPWH na tapusin na ang imbestigasyon at ilabas ang findings.
Nanawagan din ang senador para sa blacklisting at pagpaparusa sa contractor, kasama ang mga engineer ng DPWH na kabilang sa pangangasiwa ng proyekto.
“Billions of funds are spent on public infrastructure and the minimum requirement should be structural integrity. Hindi maaari ang trabahong basta na,” ani Revilla.
Humingi na ng tulong ang DPWH sa mga eksperto mula sa Bureau of Design and Bureau of Construction para magsagawa ng evaluation at assessment sa guho.
Isinagawa ang initial retrofitting noong Marso 2023 para patibayin ang tulay laban sa mga lindol.
Sa kabila nito, naging kritikal ang sitwasyon ng tulay sa pagdaan ng dump truck na may sobra-sobrang timbang. RNT/JGC