Home OPINION MGA OFW SA ME DAPAT TUTUKAN

MGA OFW SA ME DAPAT TUTUKAN

PALAWAK nang palawak ang giyera sa Middle East o lugar ng mga Arabong bansa na roon naghahanapbuhay at nakapag-asawa na ang milyones na Pinoy na karaniwang mga Overseas Filipino Worker.

Kasama na rito ang mga daang libong OFW na obrero o crew sa mga barkong dumaraong sa mga puerto ng mga Arabong bansa at ang Israel at dumaraan sa mga karagatang Red Sea, Persian Gulf, Gulf of Aden, Gulf of Oman, Arabian Sea, Mediterranean Sea, Bab al-Mandab Strait at Suez Canal.

Noong una, hanggang sa giyera lang ng Hamas at Israel sa Gaza Strip ikinadelikado ng buhay at ari-arian ng mga OFW.

Makaraan ng ilang araw, sumunod nang panganib sa mga OFW sa Lebanon ang giyerang Hezbollah at Israel.

Ngayon, lumawak na ang giyera sa Syria, Yemen, Iran, Jordan at Iraq.

Walang nakaaalam kung lalawak ang giyera sa iba pang mga Arabong bansa lalo’t ramdam na ramdam ang pakikiisa ng mga ito sa mga Palestino sa Gaza Strip na may mahigit nang 24,000 patay sa pag-atake ng Israel.

Katapat ito ng nasa 500 sundalong Israelita na patay, 300 na grabe ang pagkakasugat, 4,000 iba pang nasugatan at 1,200 na sibilyang unang inatake ng Hamas sa hangganan ng Gaza Strip at Israel.

MAHIGIT DAANG LIBONG OFW

Sa tatlong bansang direktang apektado ng giyerang Hamas at Israel, meron nang 100,000 OFW.

Sa Jordan, may mahigit sa 40,000; sa Lebanon, may mahigit sa 33,000; at sa Israel, may 30,000.

Kaya naman, mahigit sa 100,000 sila sa mga apektado ng giyera dahil meron nga ring mga Pinoy sa Iran, Iraq, Syria at Yemen.

PAGHAHANDA SA BAKWITAN NASAAN?

Sa rami ng mga pupwedeng ibakwit na Pinoy kung lalawak nang todo ang paglagablab ng digmaan, nasaan na ang mga paghahanda ng ating pamahalaan at apektadong pamilya-OFW?

Hindi matatawaran ang ginagawa ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga OFW ngunit sa usaping pagbabakwit, laging nahuhuli sa aksyon ang Pilipinas.

Anak ng tokwa, wala na ang ibang lahi sa lugar ng giyera, naroon at nai-stak pa rin sa lugar ang mga Pinoy at nagkukumahog na makatakas sa sarili nilang mga diskarte, kasabay ng aksyon ng pamahalaan.

Sa bulong ng ating Uzi, laging karanasan ang kawalan o kakulangan ng pondo ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga may giyerang bansa.

Naririyan din ang pagkahuli ng Pilipinas sa pagkuha ng mga sasakyan gaya ng mga eroplano, barko at bus sa pagbabakwit.

Sa madaling salita, nganga ang higit na nakararaming OFW sa bakwitan.

Sa Pinas naman, bulong din ng ating Uzi, tahimik na inirereklamo ng Overseas Workers Welfare Administration ang pagkasaid ng pondo nito para sa ayuda ng mga OFW.

Kaya ganoon na lang kakapiranggot ang naisasagot na gastusin nito sa mga nakauuwing OFW sa Pinas.

Sana naman, hindi mauulit ang mga pangyayaring ito sa loob at labas ng Pinas sa ilalim ni Pangulong Bongbong Marcos.   

 

Previous articlePag-insulto ng Tsina kay PBBM pinalagan ng PH Defense chief
Next articleSakit sa tag-init sa gitna ng El Niño ibinabala ng DOH