MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang palalampasin sa imbestigasyon sa pagkawala ng 34 na sabungero matapos ang pahayag ng isa sa mga akusado na umano’y may sangkot na pulis sa krimen.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, “Wala tayong sasantuhin—sibilyan man, opisyal, o kapwa pulis.”
Nakaantabay ang PNP na tumulong sa Department of Justice (DOJ) at magbigay ng seguridad sa akusadong nais maging state witness, kahit wala pa silang natatanggap na pormal na kahilingan.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pakikipag-ugnayan niya kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.
Aniya, mapagkakatiwalaan ang testimonya ng saksi na nagsabing itinapon sa Taal Lake ang mga bangkay at binabayaran umano ng ₱500,000 ang bawat pagpatay. RNT