HINDI na yata maubos-ubos ang mga kasong karahasan na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad.
Hindi pa natatapos ang kontrobersya na nilikha ng mass shooting o maramihang pamamaril at pagpatay sa isang high school sa Leyte at iba pang karahasan na nauna, may mga nasasangkot pa rin sa mga nakamamatay o nakasusugat na mga gawain.
Kabilang sa mga huling pangyayari ang pananaksak ng isang 15 anyos sa mas matandang kaiskul niyang 17 anyos bagaman sa labas ng eskwela ito nangyari sa Cavite.
Totoo nga bang may impluwensya sa marahas na kilos o behavior ng mga kabataan ang napanonood nilang karahasan sa social media o kaya’y pelikula sa mga sinehan at telebisyon gaya ng kina Richard Gutierrez at Coco Martin?
At nagiging hero o bayani pa ang mga ito.
Sa nagnanakaw na nahuhuli o nabubuking na gumagamit ng dahas bilang depensa o kaya’y sadyang gamit sa paggawa ng krimen, totoo naman kayang dala iyon ng pangangailangan para makasurbayb sa kawalan o kagipitan?
Paano naman ang mga black sheep kung ituring sa isang pamilya na nagtutulak sa kanila na gumawa ng krimen?
Paano rin ang mga turo sa gitna ng pandarahas na pwedeng manakit o pumatay para sa pagtatanggol ng sarili bilang human right?
Malaki rin ba talaga ang tsansang paggawa ng krimen dahil sa gaya ng Juvenile Justice and Welfare Act na nanlilibre sa kanila sa pananagutang kriminal?
O mga magulang ba ang may sala gaya ng pagbibigay o pagpapabaon ng mga ito ng certificate of live birth sa mga menor-de-edad bilang lisensya sa paggawa ng krimen?
Mayroon din bang kaugnayan ang paggamit ng droga at iba pang bisyo ng mga nasasangkot?
Dapat talagang pag-aralan nang mabuti ang nagtutulak sa mga kabataan na maging marahas o gumawa ng krimen para makagawa ang lahat ng pamigil sa kanila.






