YOU may like him or hate him. Ngunit para sa maraming kritiko ng kasalukuyang administrasyon, si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag — the wrong man for the right job.
Sa pananaw ng mga nagdududa sa kanyang pamumuno, tila naging mas agresibo ang NBI sa pagsasampa ng mga kasong may mataas na political profile. Dahil dito, lumalakas ang persepsyon na ang buong pwersa ng ahensya ay mabilis na kumikilos kapag ang iniimbestigahan ay mga personalidad na kritikal sa administrasyon. Totoo man o hindi ang ganitong pananaw, hindi maikakaila na ito ay unti-unting sumisira sa imahe ng pagiging independent ng NBI.
Kapag naisampa ang kaso, karaniwan nang sinasabi ng mga awtoridad na matibay ang kanilang ebidensya. Ngunit sa ating sistema ng hustisya, ang tunay na batayan ay hindi ang pahayag sa media kundi ang magiging pasya ng korte matapos ang buong paglilitis. Maaaring tumagal ng ilang taon bago tuluyang mapawalang-sala o mahatulan ang isang akusado. Sa panahong iyon, dala na niya ang bigat ng demanda at ang epekto nito sa kanyang pangalan at pamilya.
Dahil dito, may mga nagtatanong kung pareho rin ba ang magiging sigasig ng NBI kapag ang iniimbestigahan ay mga personalidad na kaalyado ng administrasyon. Kung may sapat na ebidensya at may inilabas na warrant ang hukuman laban sa sinuman—oposisyon man o kaalyado—dapat ba ay pareho rin ang bilis, tapang, at determinasyon sa pagpapatupad ng batas?
Ang tunay na sukatan ng isang NBI Director ay hindi kung gaano karaming high-profile cases ang kanyang nahahawakan. Ang mas mahalaga ay kung mapananatili niya ang tiwala ng publiko na ang batas ay ipinapatupad nang pantay-pantay at walang kinikilingan.
Ang NBI ay hindi dapat makita bilang sandata ng sinomang administrasyon kundi bilang tagapagtanggol ng batas at katarungan. Sapagkat kapag ang mamamayan ay nagsimulang magduda sa pagiging patas ng mga institusyong nagpapatupad ng batas, ang higit na nalalagay sa panganib ay hindi lamang ang reputasyon ng isang opisyal, kundi ang tiwala ng publiko sa buong sistema ng hustisya.
Kaya bang maging patas ni Matibag? O hindi niya kayang tibagin ang kanyang maling paninindigan?






