AYON sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, may anim na aktibong trench o malalaking bitak ng pundasyon ng lupa na nakapaligid sa mahal kong Pinas at nasa mga karagatan.
Ito ang East Luzon Trough, Philippine Trench, Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench at Cotabato Trench.
Nasa silangan ng Luzon ang East Luzon Trough at kalapit nito ang Philippine Trench habang nasa kanluran ang Manila Trench mula Taiwan hanggang Mindoro at malapit dito ang Negros Trench at sumunod na ang Sulu Trench at sa timog Minadanao, naroon naman ang Cotabato Trench mula silangan patungong kanluran.
Paliwanag ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, trench ang tawag sa mga bitak ng pundasyon ng lupa at kung babagsak o maswak ang lupa sa mga bitak, lilikha ang mga ito ng pinakamalalakas na lindol na magmula sa magnitude 8 pataas.
Ang East Luzon Trough, may Magnitude 8.5, Philippine Trench – M8.5, Manila Trench – M8.4, Negros Trench – M8.2, Sulu Trench – M6.4 pataas at Cotabato Trench – M8.1.
Lumilikha ang mga ito ng matataas na tsunami gaya ng East Luzon Trench na may 30 metrong taas; Philippine Trench – 15m, Manila Trench – 10-14m, Negros Trench – 10-12m, Sulu Trench – 9m pataas at Cotabato Trench – 9m pataas.
LUNOD, KAMATAYAN ANG AABUTIN MO
Malinaw ang ibig sabihin ng tsunami na 9-15m pataas.
Ang 9m, katumbas ng 3 storeys o palapag na gusali habang ang 15m, katumbas ng 5 storeys at karaniwang sapin-sapin ang mga alon.
Dito, sa palagay mo ba, eh, mabubuhay ka kapag tinamaan ka?
Milagro kung mabubuhay ka ngunit malamang na mamatay ka sa lunod.
Malalaking barko lamang ang makaliligtas diyan sa gitna ng karagatan ngunit ang maliliit, malamang na babaligtad.
At kung tatama ang 9-15 metro na tsunami sa mga hotel, halimbawa sa Roxas Boulevard, Manila, sino ang maliligtas sa kamatayan?
Alalahaning hindi lang tubig ang tatama sa iyo kundi mga bagay na nabaklas sa mga gusali o mismong mga barkong tinangay ng tsunami.
Alalahanin din halimbawa ang posibilidad na ang tsunami ng Manila Trench at Philippine Trench ay higit na patungo sa ating kalupaan kaysa sa West Philippine Sea o Pacific Ocean.
BASTA MAGHANDA LANG
Sinasabi ni Dir. Bacolcol na dahil aktibo ang mga trench, maaaring mangyari ang mga paglindol anomang oras at alalahaning walang babala ang pagdating ng mga ito.
Kaya naman, ano-ano ba ang mga pupwedeng ihanda?
Siguro, tiyakin na huwag kang magtayo ng sarili mong bahay malapit sa tabing dagat.
Kung may lindol, ang pinakamabilis na takbo ang gagawin mo palayo sa tabing dagat.
Kung may matataas na gusali, doon ka aakyat.
Ang problema, paano kung magigiba ang mga gusali sa lakas ng mga lindol?
Alalahaning higit na mas malakas ang mga lindol na lilikhain ng mga trench kesa mga lindol na gaya ng Magnitude 7.8 na tumama sa Baguio City-Cabanatuan City noong 1990 at sa Magnitude 7.8 na tumama rin sa Mindano kamakailan.
Paano nga pa paghandaan ang mga lindol na ganito.
Ang tiyak, hindi uubra ang “drop, cover, hold on.”






