LOS ANGELES, CA- Umaapela ng tulong ang mga Pilipino at Filipino Americans na apektado ng malawakang wildfires sa Los Angeles, California.
Nananawagan sila ng pagkain, tubig, mga damit, at abot-kayang matutuluyan.
Naiulat na nahirapan ang mga bumbero, kabilang ang air support, na maabot ang fire site dahil sa lakas ng hangin.
Sa kasalukuyan, 16,000 ektarya na ang nasunog, sa patuloy na pagkalat ng apoy.
Mahigit 1,000 bumbero ang nagtutulungang maapula ang pagliyab.
Gayundin, mahigit 1,000 kabahayan ang naiulat na nawasak.
Limang indibidwal naman ang nasawi umano, base kay Los Angeles County Fire Department Chief Anthony Marrone.
Hindi pa natutukoy ng Philippine Consulate sa Los Angeles kung ilang Pilipino ang apektado ng umiiral na wildfire, na lumamon sa maraming kabahayan sa Los Angeles County.
Base sa Public Diplomacy & Information Section ng Philippine Consulate sa Los Angeles, wala pa silang natatanggap na request para sa tulong at mahigpit na binabantayan ang sitwasyon.
“At this time, the Consulate General has not received any request for assistance from any Filipino affected by the wildfires. The Consulate General continues to coordinate closely with local authorities and monitor the situation of Filipino nationals in affected areas,” anang Philippine Consulate sa Los Angeles. RNT/SA