Home NATIONWIDE Mga Pinoy sa Lebanon binalaan sa pagpunta sa ilang lugar sa gitna...

Mga Pinoy sa Lebanon binalaan sa pagpunta sa ilang lugar sa gitna ng Israeli air strikes

MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Filipino na iwasan ang pagbiyahe o pananatili sa Southern Lebanon at Bekaa bunsod ng air strikes na inilunsad ng Israel.

Hiniling ng embahada sa mga Filipino na nasugatan o nasaktan at nangangailangan ng tulong na kaagad silang kontakin sa pamamagitan ng:

OFW Assistance & Emergency Hotline: +96179110729

Embassy Hotline: +96170858086

“Your safety and well-being are our top priorities. Please stay alert, follow local authorities’ guidance, and take necessary precautions,” ang nakasaad sa kalatas ng embahada na naka-post sa kanilang Facebook page.

“We will continue to provide updates as more information becomes available. For further assistance or if you have any concerns, do not hesitate to reach out through the provided hotlines. Stay safe,” anito pa rin.

Nauna rito, nagkaroon ang Israel at Lebanon ng ceasefire deal noong Nobyembre.

“Under this deal, Hezbollah was to have no weapons in southern Lebanon, Israeli ground troops were to withdraw and Lebanese army troops were to deploy into the area,” ayon sa report ng Reuters.

Gayunman, nagpatuloy pa rin ang pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah.

Samantala, kinumpirma ng Estados Unidos na maaaring maipagpatuloy ang ceasefire deal sa pagitan ng Lebanon at Israel simula Pebrero 18 ng taong ito.

Una nang sinabi ng Israel na mananatili sa south Lebanon ang kanilang mga militar sa kabila ng itinakdang deadline.

Ayon sa White House, patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring sa naturang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa nakalipas na pag-atake ng Israel sa Lebanon, aabot sa 22 katao ang nasawi noong Linggo.

Ang giyera sa pagitan ng Israel at Lebanon o militanteng grupo na Hezbollah ay sumiklab matapos na makisimpatya ng Hezbollah sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza.

Hindi naman binanggit ng Israel kung hanggang kailan magtatagal ang kanilang mga tropa sa southern Lebanon kung saan patuloy ang operasyon nito laban sa Hezbollah.

Patuloy nitong sinisira ang mga building dahil sa paniniwalang pinagtataguan ito ng mga militanteng grupo. Kris Jose