Home NATIONWIDE Mga Pinoy sa Taiwan inasistihan ng MECO

Mga Pinoy sa Taiwan inasistihan ng MECO

MANILA, Philippies- Patuloy na binabantayan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Taiwan, lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng malakas na lindol noong Abril 3.

Bumisita si MECO chair Silvestre H. Bello III sa Hualien County, ang sentro ng pagyanig, noong Linggo, at namahagi ng relief packs at cash assistance sa daan-daang manggagawang Pilipino na ang trabaho at buhay ay nagambala ng trahedya.

“President Bongbong Marcos is very much concerned with your situation here and he has instructed us to extend all needed assistance to ease your condition,” sabi ni Bello sa mga Filipino.

Tumama ang magnitude 7.2 na lindol (7.3 at 7.4 sa iba pang ulat)  sa baybayin ng county sa silangang Taiwan ng alas-7:58 ng umaga.

Iniulat ng Focus Taiwan news outlet noong Linggo na mayroong 13 patay; 1,133 sugatan; at anim na nawawala.

Nakipagkita rin si Bello sa mga opisyal ng county at nagpasalamat sa pagbabantay sa mga Filipino.

“We are here to extend the sympathy of our President to the government and people of Hualien. We are also here to check the condition of our kababayan (compatriots),” sabi ni Bello.

Kasama ni Bello sina MECO deputy resident representative Alice Visperas, Migrant Workers Office director Cesar Chavez at  Welfare Officer Ruth Vibar.

Ang Hualien, ang pinakamalaking county at pangunahing destinasyon ng turista sa Taiwan, ay host ng humigit-kumulang 1,400 overseas Filipino workers (OFWs).

Noong Biyernes, nakipagpulong si Bello sa nasa 30 Filipino community group leaders na nag-ulat ng sitwasyon ng kanilang mga miyembro.

Sa pulong, ipinaabot din niya ang mensahe ng Pangulo sa OFWS. Namagahagi rin ang MECO ng T$150,000 (halos P265,000) bilang tulong.

Binisita ni Bello ang apat na OFWs na sugatan at binigyan sila ng T$10,000 bawat isa. Jocelyn Tabangcura-Domenden