Home METRO Mister binaril ng kainumang senglot, todas!

Mister binaril ng kainumang senglot, todas!

SAN PABLO, Isabela- Patay ang isang mister matapos na pagbabarilin ng kainuman sa Brgy. Poblacion, San Pablo, Isabela.

Sa direktiba ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO na maglunsad ng manhunt operation ay agad na nahuli ang suspek na si Ronald Balicha, 36-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Auitan, San Pablo, Isabela.

Kinilala naman ang biktima na si Lemuel Ereguero, 36-anyos, may asawa, caretaker at residente ng Brgy. San Vicente, San Pablo, Isabela.

Dakong alas-10:50 ng gabi, habang nag-iiunuman kasama ang ilan nilang barkada ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima.

Biglang umalis ang suspek at pagbalik ay may bitbit na armas at muling hinamon ang biktima hanggang sa nagbunuan na tatangkain agawin sana ang baril subalit tinamaan sa kaliwang dibdib ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek at agad na nagsagawa ng manhunt operation at checkpoint ang kapulisan ng Isabela hanggang sa nahuli ito.

Narekober mula sa suspek ang isang armalite at magazine na may lamang bala na ginamit nito sa pamamaril sa biktima.

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kasong Homicide laban sa kanya. Rey Velasco