MANILA, Philippines – Tinatahi na ng mga imbestigador ang mga impormasyon na kanilang nakakalap upang magkaroon ng ideya sa mga naging aktibidad ng mag-amang Sajid at Naveed Akram, ang mga sangkot sa walang habas na pamamaril sa Bondi Beach, Australia, habang nasa Davao City ito mula Nobyembre 1 hanggang 28.
Ayon kay Maj. Catherine dela Rey, spokesperson ng Police Regional Office 11, ang kanilang imbestigasyon ay nagsimula sa pagdating ng mag-ama sa Davao International Airport.
Layon ng imbestigasyon na matukoy kung sino pa ang ibang nakasama ng dalawa, mga taong nakasalamuha nito, at mga lugar na pinuntahan hanggang sa sabay ding umalis ang dalawa sa lungsod.
Matatandaan na sangkot ang mag-ama sa walang habas na pamamaril sa sikat na Bondi Beach sa Sydney sa kasagsagan ng Hanukkah, isang Jewish festival, noong Disyembre 14 kung saan 15 ang nasawi.
Si Sajid, 50, ay mula Hyderabad, India, ay napatay ng pulisya matapos ang pag-atake.
Si Naveed naman, 24, ay lumaki sa Australia, ay nahaharap sa kabi-kabilang reklamo dahil sa kaugnayan nito sa pag-atake.
Habang nasa Davao City, ang mag-amang Akram ay tumuloy sa GV Hotel, na matatagpuan sa downtown area.
Kinuha nila ang kwarto sa ikatlong palapag, malapit sa elevator at hagdan.
Ang naturang hotel ay nasa Magallanes at Legaspi Streets na 1.1 kilometro mula sa isang mosque malapit sa Bankerohan Public Market, at 900 metro mula sa Davao City Islamic Center.
Ito ay 2.7 km rin mula sa Consulate General of Malaysia, 2.3 km mula sa Consulate General of China, 1.7 km mula sa Consular Office of Japan, at 3.7 km mula sa Consulate General of Indonesia.
Makikipagtulungan naman ang pamunuan ng hotel sa imbestigasyon at sa pagtuturn-over ng CCTV footage.
Nakuha na ng Task Force Davao ang hard drive ng front desk bilang bahagi ng imbestigasyon. RNT/JGC