
NOONG Pebrero 21, 2025, opisyal na naupo bilang kalihim ng Department of Transportation si Vince Dizon kapalit ni Jaime Bautista.
Nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. itong si Dizon na dating chairman ng Bases Conversion and Development Authority at sinabihan ang huli na pabilisin ang mga proyekto sa transport system.
Kaya naman, ang unang hakbang ni Dizon ay ang pagtutulak ng Public Private Partnership sa airport, seaports at iba pang nasa ilalim ng transportasyon.
Isang halimbawa ng mabilis ang gagawing hakbang ni Dizon ay ang pagsasapribado ng Edsa Bus Carousel na mariin nitong pinanigan ang pananatili sa pwesto nito sapagkat aniya ay malaking tulong sa pagbiyahe ng mga mananakay.
Totoo naman. Iyan, tamang desisyon na panatilihin ang Edsa Busway sa kinalalagyan nito bagaman madalas abusuhin ng mga nasa pwestong mambabatas at anak o kamag-anak ng mga mambabatas. Mangilan-ngilan lang naman ang mga ganitong klaseng tao na puro hangin ang laman ng ulo at mga manhid o walang pakiramdam sa mga taong nagsasakripisyo sa pagdaan sa Edsa na ang usad ng sasakyan ay napakabagal.
Kaya lang, ang hindi maganda rito kay Dizon ay walang bilib sa mga namamahala ng EDSA tulad ng Metro Manila Development Authority kung saan nakadeploy ang mga traffic enforcers upang maisaayos ang trapiko sa kahabaan ng Edsa mula Pasay Rotonda hanggang Monumento sa Caloocan.
Nais nitong si Dizon na i-privatize ang EDSA busway upang mas mapabuti umano ang serbisyo sa mananakay.
Kapag ba naging private na ang pamamalakad sa Edsa Busway, magmumura ba ang pasahe o magkakaroon ba ng pakinabang rito ang mga pasahero?
Hindi kaya maging isa ito sa dahilan nang pagtaas ng pasahe sa bus? Paano naging pro-poor itong si Dizon tulad ng kanyang ipinangangalandakan.
Sa Abril, simula na rin ng taas pasahe sa Light Railway Transit na hindi nga ikabibigla ng mga mananakay dahil nag-anunsyo na ang LRT Authority kamakailan lang. Daraing ang mga pasahero kapag mismong aktwal na at nararamdaman na nila ang epekto.
Paano ngayon nasasabi na ang mga proyektong ilulunsad ni Dizon ay pro-poor o makamahirap? Parang engot lang sa pag-aakalang pampapogi ang ginagawa nilang mga nakaupo ngayon.