Home METRO Mga sakahan sa Albay nalubog sa ashfall ng Mayon; libu-libong magsasaka apektado

Mga sakahan sa Albay nalubog sa ashfall ng Mayon; libu-libong magsasaka apektado

92
0

ALBAY, Philippines – Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na nalubog sa abo ang mga sakahan sa Guinobatan, Camalig, Ligao at mga karatig-bayan sa Albay matapos ang sunod-sunod na pagbuga ng pyroclastic density materials ng Bulkang Mayon nitong Sabado. Mahigit 91,000 katao ang apektado ng ashfall, kabilang ang libu-libong pamilyang umaasa sa agrikultura.

Ayon pa sa KMP hindi bababa sa 52 barangay ang direktang tinamaan, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Patuloy ang paglikas ng mga residente habang lumalala ang pag-aalburuto ng bulkan.

Idinagdag pa ng KMP na umabot sa 2 hanggang 3 pulgadang kapal ng abo na tumabon sa mga kalsada at sakahan. Malubhang napinsala ang mga pananim tulad ng palay, mais, gulay at iba pang high-value crops. May mga ulat din ng pagkamatay ng mga alagang hayop.

Ayon sa KMP, posibleng bumagsak ang produksyon ng agrikultura sa mga apektadong lugar dahil sa pagkasira ng pananim at kontaminasyon ng lupa. May mga magsasakang hindi na agad makapagtatanim muli, habang nananatiling banta sa kalusugan ang makapal na abo.

Sa ilang lugar, libu-libong ektarya ng taniman ang natabunan. “Buhay at kabuhayan ng mga magsasaka ang nalubog sa abo. Sa isang iglap, nawala ang ilang buwang pinaghirapan,” ayon kay KMP Secretary General Ronnie Manalo.

Bukod sa pinsala, humaharap ang mga magsasaka sa mabigat na gastos para sa rehabilitasyon—paglilinis ng abo, muling pagtatanim, at pagbili ng binhi at pataba. Pinalalala ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at abono, na nagpapataas sa gastos sa produksyon, irigasyon, at transportasyon.

“Doble ang tama ng kalamidad at krisis sa langis. Kahit gustuhin ng mga magsasakang magtanim muli, napakataas ng gastos at kulang ang suporta,” dagdag ni Manalo.

Kaugnay nito iginiit ng KMP, nananatiling nakasentro sa panandaliang relief ang tugon ng gobyerno gaya ng pagbibigay ng pagkain, mask, at limitadong ayuda.“Kailangan ang relief pero kailangan din ang rehabilitasyon. Kailangan ng kompensasyon sa nasirang pananim, subsidyo sa produksyon, at agarang tulong para makabalik sa pagsasaka. Kung wala nito, tuloy-tuloy na babagsak ang lokal na produksyon ng pagkain,” diin ni Manalo. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here