
UMABOT sa mahigit 300 na taon ang naging hatol ng Seventh Division, Sandiganbayan sa bawat isa sa anim na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at dalawang pribadong indibidwal sa mga kasong katiwalian at estafa dahil sa service vehicle ghost repair mula taong 2000 hanggang 2001.
Sa isang 122 pahinang desisyon na inilabas noong ika-14 ng Marso 2025, hinatulan ng anti-graft Court sina:
– Dating assistant director Florendo Arias para sa 22 graft cases at 22 na complex crime of estafa;
– Dating accountant Rogelio Beray, 41 na graft at 41 na estafa;
– Dating supply officer Napoleon Anas, 38 na graft at estafa;
– Dating fiscal controller Ricardo Juan, 38 na graft at estafa;
– Dating supply officer Mirope Fronda, 31 na graft at estafa;
– Dating supply officer Jesus Cruz, 7 graft at estafa.
Nahatulan din sa parehong mga kaso ang mga pribadong indibidwal na sina Janette Bugayong, 15 na kaso, at si Victoria Maniego-Go, 23 na kaso.
Nilabag ng mga akusado ang Republic Act No. 3019 o ang “Anti-graft and corrupt practices act,” at estafa sa pamamagitan ng falsification of public documents sa ilalim ng Act No. 3815 o Revised Penal Code.
Hatol na hanggang walong taong pagkabilanggo para sa kasong graft ang naging hatol sa mga akusado, at multang Php 5,000 sa bawat kaso, kalakip ang perpetual disqualification sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Para naman sa kasong estafa, hinatulan sila ng hanggang sampung taong pagkakakulong at pinagbabayad din sila nang sama-sama sa pamahalaan ng Php 1.9 million bilang civil liability.
Noong taong 2013, isinampa ng Office of the Ombudsman ang mga kaso kaugnay sa “ghost repairs” ng mga service vehicle ng DPWH at pekeng pagbili ng mga piyesa ng sasakyan kung saan mayroong 4,406 tseke na may kabuuang halagang Php 82.322 million ang inilabas bilang bayad sa pagkukumpuni ng mga sasakyan at pagbili ng mga piyesa gamit ang mga peke o hindi totoong resibo at iba pang dokumento.
Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan, napatunayan ang sabwatan ng mga akusado sa pagplano, pagpapalabas ng pondo, at pagnanakaw sa pamahalaan.
Nakasaad sa Article 70 ng RPC, ang maximum na panahon ng pagkakakulong para sa isang krimen sa bansa ay hanggang 40 taon lamang.