Home OPINION SI CAMILLE BA AY PARA SA LEGACY O PARA SA LUPAIN?

SI CAMILLE BA AY PARA SA LEGACY O PARA SA LUPAIN?

NANGANGAKO ang mga pambato sa pagkasenador sa ilalim ng Alyansa slate ni Bongbong Marcos na ipapasa nila ang National Land Use Act sakaling mahalal sila sa Mayo — isang panukala na ilang dekada nang nakatengga sa Kongreso. Naaalala pa ni dating Senate president Tito Sotto kung paanong minsan na iyong ipinasa ng Senado, pero nabutata ito pagdating sa plenaryo ng Kamara.

Sa isang pangangampanya, sinabi ni ACT Partylist Rep. Erwin Tulfo na kailangan ang panukala upang matigil na ang pang-aabuso sa lupa. Si Ping Lacson, isa pang pambato ng Alyansa na target magbalik-Senado, binanggit kung paanong naglalaho na ang mga lupang sakahan sa Laguna.

Si reelectionist Sen. Francis Tolentino, naniniwalang matagal na dapat naisabatas ang panukala at nagsabing magsusulong siya ng bagong direksyon para sa Land Use Act. At nariyan din si dating DILG chief Benhur Abalos na nagmungkahing sa ngayon, bigyan na muna ng mga insentibo ang mga may-ari ng sakahan upang mabawasan ang mga nag-iisip na ipagbili ang mga ito.

Pero, sa kabila nang nagkakaisang boses na ito ng mga panawagan mula sa pro-administration team, ang Kamara — kung saan may impluwensya ang interes ng mga land developer — ang pinakamalaking hadlang.

Kaya mapapaisip tuloy tayo sa isang interesanteng pananahimik.

Curious lang ako — wala pang opinyon siLa PIñas Rep. Camille Villar, kandidato rin para senador, sa usaping ito. Ang kanyang ina, si Sen. Cynthia Villar, lantarang kinontra ang panukala dalawang taon na ang nakalipas. Ang kanyang ama, si Manny Villar, ay yumaman sa real estate. Ang dambuhalang negosyo ng kanyang pamilya ay pinakanakinabang sa pagko-convert ng mga lupain sa mga subdibisyon at pabahay.

Kaya ang tanong: Kakampihan ba ni Camille Villar ang mga magsasaka, o ang bilyong-pisong negosyong nagpayaman sa kanyang pamilya?

Hindi naman masasabing walang basehan ang aking pagdududa. Noong 2022, direktang kinompronta ni Sen. Raffy Tulfo — kapatid ni Erwin — si Sen. Cynthia Villar sa pagdinig ng Senado tungkol sa mga hindi natututukang conversion ng mga sakahan para maging mga subdibisyon.

Ibinunyag ni Tulfo kung paanong ang programa sa farm-to-market road, na layuning tulungan ang mga magsasaka, ay nakulapulan ng korapsyon — sa kapakinabangan, hindi ng mga magsasaka, kundi ng mga may pribadong interes. Binatikos niya ang naging kalakaran nang pagko-convert sa mga sakahan para tayuan ng mga bahay, kinuwestiyon kung ano ang ginagawa ng Department of Agriculture para matigil ito.

Sumagot ang senadora para idepensa ang negosyong real estate ng kanyang pamilya, iginiit na ang pagko-convert sa mga taniman ay isang “investment decision” na pinakikinabangan ng mga may-ari ng lupa. Para sa akin ang sagot niyang ito ay isang prangka at aktwal na deklarasyon ng kanyang mga prayoridad sa buhay.

Walang kiyeme si Sen. Villar sa pagsusulong ng mga polisiya para sa kapakinabangan ng developers, kahit mga magsasaka ang nalalagay sa alanganin. Ang kanyang Rice Tariffication Law, na pumwersa sa mga lokal na magsasaka na makipagsabayan sa mas murang inangkat na bigas, ay nagresulta sa pagbebenta ng lupa ng maraming magsasaka dulot ng desperasyon. Nang ungkatin ito ni Tulfo, hindi nagpakita ng pagsisisi ang senadora, binigyang-katwiran pa ang kanyang posisyon sa pagtukoy sa World Bank ratings at sa pautang ng gobyerno.

Kaya pasensya na kung igiit kong mapakinggan ang posisyon ni Camille sa isyu. Kung may sarili siyang paninindigan, hindi siya mahihirapang magkaroon ng opinyon sa usapin — maliban na lang, syempre, kung ang pagnanais niyang maglingkod sa Senado ay hindi talaga tungkol sa pagseserbisyo sa publiko kundi mas nakasentro sa pagpapatatag ng real estate empire ng kanyang pamilya.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).