
“DAHIL ang gusto ng pulis ay ligtas ka” kaya kaagad na ipinag-utos ni Police Regional Office director PBGen Paul Kenneth Lucas na magbigay ang kanyang pamunuan at nasasakupan niyang tanggapan ng “libreng sakay” sa mga commuters na apektado ng nationwide transport strike na inilunsad ng MANIBELA mula kahapon hanggang Miyerkules.
Inatasan ni Lucas ang lahat ng opisyal o kumander ng nasa ilalim ng PRO 4A na gumawa ng paraan upang makapagbigay ng libreng transportasyon o “Libreng Sakay” sa mga bumibiyahe o bibiyahe patungo at pabalik sa kanilang trabaho o ibang lugar na pupuntahan.
Gagamitin din ng PRO4A ang kanilang mga sasakyang gamit sa pagmamantine ng kapayapaan sa kanilang inilunsad na libreng sakay upang makasiguro na makararating ang mga manggagawa sa kanilang trabaho sa oras.
“Ang pangkalahatang seguridad, kaligtasan, at kaginhawaan sa transportasyon ng ating mga mamamayan ay aming priyoridad. Makatitiyak na ang inyong PNP ay laging handang tumulong,” ani Lucas.
TIniyak ni Lucas na may maximum deployment ng mga traffic personnel sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon sa panahon ng transport strike.
Bukod sa traffic personnel, siniguro rin ng regional director ng CALABARZON na may nakatalagang road safety marshal upang makatiyak na mananatili ang kapayapaan at kaayusan ng mga lugar na may strike at isang paraan din ito na makasiguro sa kaligtasan ng mga pasahero o commuters.
Gayunman, maging ang mga driver at mga operator na nakikilahok sa transport strike ay kanila ring minomonitor upang hindi magkaroon ng problema o gulo sa hanay ng mga ito.
Mananatili na pagseserbisyuhan ng mga pulis ang mamamayan maging ito ay paghahatid sa kanilang mga patutunguhan at upang hindi magkaroon ng kaguluhan. Kadalasan, kapag may kilos protesta o strike ang mga driver at operator, sobrang apektado ang mga mananakay kaya naman nagkakaroon ng agawan sa mga bumibiyaheng sasakyan na hindi nakiisa sa strike.
Ito ang babantayan ng mga pulis bukod pa sa pagbibigay ng libreng sakay. Tinitiyak ni Lucas na hindi kailangang magkaroon ng kaguluhan para sa libreng sakay dahil tuloy-tuloy ang kanilang gagawing operasyon upang maserbisyuhan ang mamamayan.