Home OPINION MGA SUNOG SA PGH NAKATATAKOT NA

MGA SUNOG SA PGH NAKATATAKOT NA

NAKATATAKOT na ang mga sunog na nagaganap sa Philippine General Hospital.

Dapat masinsin na pag-aralan ang mga sunog at gawan agad ng paraan kahit gagastos pa ang gobyerno ng malaking halaga para lang matiyak ang kaligtasan ng mga nasa ospital na ito.

Naging sunod-sunod ang mga sunog na naging banta sa napakaraming tao sa loob ng ospital.

Imadyinin na lang na laging punuan ang mga gusali ng Philippine General Hospital ng mga doktor, nurse, midwife, technician at iba pang empleyado, pasyente at bantay ng mga ito, estudyante ng medisina mula sa University of the Philippines-PGH at iba pa.

Hindi lang sa mga ground floor matatagpuan ang mga ito kundi sa loob ng matataas na gusali ng ospital.

Ang isa sa mga nakatatakot-isipin, paano kung manggaling ang sunog sa mababang bahagi ng matataas ng gusali?

Isa ring nakatatakot ang pagtigil ng mga elevator sa kawalan ng kuryente sa oras ng sunog dahil hindi magamit ang mga ito para sa mabilis at ligtas na pagbaba ng mga tao.

Paano kung may magsasabay-sabay rin na masunog na mga gusali, paano ang kaligtasan ng mga tao, lalo na ang mga may sakit na nakaratay, inooperahan, naka-wheelchair, matatanda, baby at iba pa?

MGA SUNOG AT SUBSTANDARD NA GAMIT

Gaano ba karami ang mga sunog na nagaganap sa PGH?

Noong Marso 13, 2024 may nasunog na bahagi ng main building dahil sa faulty electrical wiring.

Noong Abril 21, 2024, nagsimula naman ang sunog sa storage room ng mga gamot na kadikit ng emergency at x-ray room.

Kahapon ng umaga, ang audio visual room naman ang natamaan.

Nauna rito, noong Mayo 16, 2021 na kasagsagan ng Covid-19, daan-daang pasyente ang itinakbo palabas ng ospital.

Isa sa mga nakitang problema, faulty electrical wiring din.

Hindi kaya bahagi ang mga faulty electrical wiring ng mga lumang bahagi o gamit na pinagmumulan ng mga sunog?

Alalahaning 1910 pa itinayo ang ospital at nakatayo pa ang ilang lumang building at maaaring luma rin ang ilang bahagi ng mga ito, kasama ang mga electrical wire at saksakan.

Kung may mga napapalitan man, mali ang mga ipinalit na gamit, halimbawa, ang mga substandard na gamit.

Paano rin ang mga substandard na gamit, kasama ang mga electrical wiring at outlet sa mga sabihin nating bagong mga gusali?

Nasasabi natin ang mga substandard na materyales dahil sa korapsyon sa paggawa at pag-aayos ng mga pampublikong gusali.

Dapat na magkaroon ng inspeksyon sa lahat ng gusali ng PGH at mapalitan ang dapat palitan na bahagi ng mga ito.

Dapat ding makilala at mapanagot ang mga nagiging pabaya o sadyang gumagawa ng sunog o korap, kung meron man.