Home NATIONWIDE Mga tauhan sa PGH daragdagan – Malakanyang

Mga tauhan sa PGH daragdagan – Malakanyang

MANILA, Philippines- Nakatakdang paghusayin ang medical services ng Philippine General Hospital (PGH) at dagdagan ang mga tauhan nito para makapagsilbi pa sa mas maraming Pilipino.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagbigay ng mahusay at mahasang serbisyo, inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang dagdag na 1,200 na posisyon sa Philippine General Hospital (PGH).

Ito aniya ay bilang tugon sa kahilingan ng UP-PGH na palakasin ang organizational at manpower capacity ng hospital upang higit na makapagbigay ng de-kalidad na healthcare services sa mga pasyente nito lalo na sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.

“Alam naman po natin na napakarami pong mga Pilipino ang talagang pumupunta sa PGH dahil po ito’y nakakapagbigay ng magandang serbisyo at maaari pong napakaliit na kanilang babayaran kapag po sila ay pumunta sa PGH,” ang sinabi ni Castro, binigyang-diin ang mahalagang papel ng ospital sa pgbibigay ng ‘accessible healthcare.’

Sinabi pa rin ni Castro na ang desisyong palawigin at paramihin ang hospital staff ay naglalayong paghusayin ang patient care at tiyakin ang mas mabilis na medical attention para sa mga naghahanap ng paggamot.

Ang paglikha ng karagdagang posisyon ay isusulong sa four tranches, magsisimula sa first quarter ng 2025, fourth quarter ng 2025, 2026 at 2027. Kris Jose