IIMBESTIGAHAN ng Department of Education (DepEd) ang mga sarili nitong tauhan kung sangkot o kasabwat sa scheme ukol sa “ghost students” o undocumented beneficiaries sa senior high school (SHS) voucher program.
Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na mahaharap sa kaparusahan ang mga mapapatunayang nagkasala sa mapanlinlang na aktibidad.
‘Yun talaga pinag-aaralan namin dahil ‘yung ibang impormasyon, iilang tao lang ang may hawak doon. So, ‘yun talaga titignan namin kung may kasabwat dito,” ang sinabi ni Angara.
“Dati, may nakita kami may kasabwat na, although ‘yung mga ‘yun, wala na sa DepEd ‘yun at kinasuhan na,” aniya pa rin.
Nauna rito, inanunsyo ng departamento na iniimbestigahan na ng central office nito ang di umano’y presensiya ng ‘ghost students’ sa ilalim ng SHS voucher program sa 12 private schools sa 9 na dibisyon.
Nagpatupad na aniya ng kinakailangang aksyon ang ahensiya, kabilang na ang paghahanda para sa terminasyon o pagtatapos ng accreditation ng eskuwelahan at paghahambing sa mga piraso ng ebidensiya laban sa mga responsableng indibiduwal.
Tiniyak ng DepEd na mahaharap sa administrative at criminal sanctions ang mga mapatutunayang nagkasala, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Sa kabilang dako, sinabi pa ng Kalihim na puwede ring sampahan ng perjury cases ang ilang indibiduwal.
“Yes, dapat may penalty tayo at saka para hindi na maulit, hindi na subok nang subok. At saka hindi lang ‘yung eskwelahan, pati ‘yung mga opisyales ng eskwelahan, dahil may pinipirmahan ‘yan under oath eh. Pwedeng kasuhan ng perjury ‘yan kung tutuusin,” ang sinabi pa rin ni Angara.
Ang SHS voucher program ay isang financial assistance program para sa mga estudyante na nasa senior high school sa private schools. Ang mga incoming Grade 11 students na nagtapos ng elementarya sa public schools ay awtomatikong makatatanggap ng halagang P14,000 hanggang P22,500.
Samantala, ang mga estudyante mula private schools na hindi ‘grantee’ o tagatanggap ng Education Service Contracting Program ng DepEd ay maaaring mag-apply para makasama sa voucher program.
Hinihikayat naman ng DepEd ang publiko na iulat nang hindi nagpapakilala ang anumang iragularidad na may kinalaman sa implementasyon ng mga programa nito sa [email protected]. Kris Jose