
LAGING todo-reklamo ang mga suporter ng mga kandidatong natatalo dahil lang umano sa blackout o brownout.
Lalo na ang mga nananalo habang may kuryente at ilaw ngunit pagdating ng brownout o blackout at pagbalik ng kuryente at ilaw, talo na ang kanilang kandidato.
Misteryo o milagro ba ang tawag doon?
HALALANG PRESIDENSYAL
Nangyari ang mamilagro umanong resulta sa halalan dahil sa brownout o blackout sa sentro ng bilangan sa isang halalang presidensyal noon.
Pareho nang namayapa ang dalawang kandidato na isa sa kanila ang nanalong Pangulo ng mahal kong Pinas.
Para sa mga suporter at campaigner ng natalong kandidato, lumalamang umano ang kampo nila nang biglang magkabrownout nang medyo matagal-tagal.
Siyempre pa, tumawag ang management ng kompanya ng kuryente para mag-check up.
Pagbalik ng kuryente, aba, lahat ng ballot box na sumunod, pawang pangalan na ng kanilang kalaban ang laman.
At may mga zero precinct pa para sa kanilang kandidato.
Olats sila at tumakbo pa rin ang kanilang kandidato sa mga sumunod na halalan.
Pero olats pa rin.
Totoo kayang sa brownout sila natalo noong una?
SIKAT VS BETERANO
Naging laman din ng mga balita ang blackout sa isang lalawigan sa labanan ng mga gobernador.
Ito’y dahil natalo ang sikat na sikat na aktor sa beteranong politiko sa lalawigan.
Dahil sa rami ng mga artista at aktor na sumasama sa aktor-politiko sa kampanya, siyempre, higit na marami ang dumadalo sa mga kampanya nito kumpara sa mga dumadalo sa kampanya ng beterang politiko.
Pero nang nagbibilangan na, todo-iyak ang aktor at mga suporter niya.
Nangunguna naman umano sila sa simula pero nang magka-blackout at bumalik ang kuryente, hayun at natalo na sila nang tuluyan.
Sakop na ang halalang iyon ng electronic voting o gaya ng sistema ng botahan na ngayon at hindi na gumagamit ng ballot box ang Comelec.
Ngayon, ayaw nang lumahok sa halalan ang aktor dahil na-trauma umano sa dayaan.
Pero ayon naman sa mga kalaban nila, sila na ang may hawak sa lalawigang iyon simula pa noong martial law o panahon ni Apo Ferdie Marcos.
Paano umano may laban ang aktor na bigla na lang umentra sa sabungan, nagsuot ng tari at humamon sa mga hari ng lalawigan nang wala ni anomang nasimulan o naipakitang magandang plataporma?
TOTOO NGA NAMAN KAYA?
Sa kabuuan, may naniniwalang may dayaan sa halalan dahil lang sa mga brownout at blackout.
Paano kaya tiyakin ng Comelec na walang magaganap na dayaan o hacking sa halalan ngayong 2025 kaugnay ng problema sa kuryente?
Ayon sa Comelec, tinitiyak na ng mga pambansa at lokal na kompanya sa elektrisidad ang pagkakaroon ng maayos at sapat na suplay ng kuryente bago, habang ginaganap at matapos ang halalan.
May sarili rin umanong paraan ang Comelec kung may problema sa kuryente.
Tingnan natin.