Home HOME BANNER STORY Military at uniformed personnel may taas-sahod simula 2026

Military at uniformed personnel may taas-sahod simula 2026

425
0

MANILA, Philippines – Bilang pagkilala sa walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay ng mga military at uniformed personnel (MUP), itataas ang kanilang base pay, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na kailangan lamang magkaroon ng makatarungang sahod at sapat na suporta ang MUP mula sa gobyerno.

“Ito ang handog ng sambayanan sa ating mga taga-pagtanggol,” aniya.

Ipapatupad ang pagtaas ng base pay sa tatlong tranche: January 1, 2026; January 1, 2027; at January 1, 2028.

Bukod dito, simula January 1, 2026, ang Subsistence Allowance ng lahat ng MUP ay itataas mula ₱150 kada araw hanggang ₱350 kada araw.

Kasama sa benepisyong ito ang lahat ng personnel mula sa:

-Department of National Defense

-Department of Interior and Local Government

-Philippine Coast Guard

-Bureau of Corrections

-National Mapping and Resource Information Authority

Binigyang-diin ng Pangulo na nitong nagdaang taon at buwan, hinarap ng mga MUP ang mga hamon ng kalikasan gaya ng malalakas na bagyo, magkakasunod na lindol, pagputok ng bulkan, at pagbaha. Sa gitna nito, nanatili silang matibay na sandigan ng bayan.

Dagdag pa niya, kahit may banta sa seguridad, panatag ang sambayanan dahil naroon ang kapulisan at kasundaluhan.

“Ang ating mga MUP ang unang sumasagot sa tawag ng tungkulin, kahit kaakibat nito ang mga banta sa kanilang kaligtasan. Sa lupa, tubig, o himpapawid, hindi kayo nagdalawang-isip na isakripisyo ang inyong kaligtasan para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” ayon sa Pangulo.

Naniniwala ang kanyang administrasyon na ang mga nagtatanggol sa bayan ay nararapat ring protektahan at suportahan ng pamahalaan.

(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here