PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur- Nag-emergency landing ang isang military helicopter sa Tukuran Central Elementary School sa Barangay San Carlos, Tukuran, Zamboanga del Sur.
Sinabi ni Maj. Gen. Gabriel Viray III, commander ng 1st Infantry Division ng Army, na lumapag ang Black Hawk helicopter nitong Biyernes ng hapon dahil sa masamang panahon habang patungo sa Labangan, Zamboanga del Sur at Cotabato City.
Sinabi ni Viray na nakaengkwentro ang helicopter ng “heavy rain and rapidly decreasing visibility.”
Makikita sa video ng insidente sa social media ang mababang paglipad ng chopper sa taas ng school building at pagtama ng rotor blade nito sa sanga ng kalapit na puno.
“As a precautionary measure, and to ensure the safety of all on board, the pilot made the decision to land at the nearest safe location, which was the Tukuran campus,” paliwanag ni Viray.
Sakay ng helicopter ang military officials na dumalo sa inagurasyon ng Panguil Bay Bridge sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“The decision to drop off passengers at Tukuran was made with the utmost consideration for safety before the helicopter resumed its journey to Cotabato,” giit ni Viray. RNT/SA