Home OPINION MILYONES NAGHIRAP SA 3 BAGYO

MILYONES NAGHIRAP SA 3 BAGYO

239
0

MABUTING INIULAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang ilang mahalagang balita ukol sa mga bagyo at habagat nitong nakaraang buwan.

Sina Crising, Dante at Emong ang mga bagyo at alam naman natin lahat ang habagat na tuloy-tuloy na nagaganap.

Kung iisipin, bunga lang ang mga bagyo at habagat ng tag-ulan na inianunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na nagsimula noong Hunyo 8, 2025.

NAGHIRAP MILYONES

Ayon sa NDRRMC, may 9,720,352 indibidual or 2,661,857 pamilya ang naapektuhan ng nasabing masasamang panahon.

Nasa 7,479 pamilya o 28,500 indibiduwal ang napilitang magtago sa 265 evacuation center at may 11,957 pamilya o 40,597 katao lumikas sa ibang mga lugar gaya ng mga pangalawang bahay nila, kamag-anak, hotel at iba pa.

Maswerte na ring 37 lang ang nasawi, 32 ang nasugatan at 32 ang missing.

Sa kasiraan sa imprastraktura at mga tahanan, may 108,375 tahanan ang nasira sa iba’t ibang lugar.

Sa mga ito, 10,850 bahay ang ganap na nasira habang 97,525 ang bahagyang nasira.

May mga nasira o naapektuhan namang 815 na kalsada at 43 tulay.

Umabot naman sa P3.15 bilyon ang nasira sa agricultura na ikinamalas ng 98,307 magsasaka at mangingisda.

HINDI BIRO-BIRO ANG PINSALA

Kapag nasa evacuation center tayo, mga Bro, napakahirap ang kalagayan.

Bagama’t may maayos na kalagayan sa ilang evacuation center, karamihan ang siksikan kaya may labis na kakulangan ng tulog, problema sa tawag sa kalikasan at maayos na palikuran, kakulangan sa abasto o ayuda, pagkakasakit at hawaan sa sakit at iba pa.

Tapos, paano kung kabilang tayo sa mga nasiraan ng bahay at kailangan ang malaking panggastos sa repair?

Lalong masakit ang kalagayan ng mga ganap na nawasakan ng tahanan dahil malamang na magtatagal sila sa evacuation center at paano kung nawalan ka rin ng hanapbuhay?

Pagkatapos, mahaharap ka pa sa grabeng mahal na mga bilihin ngayon, lalo na ang pagkain at ulam, dahil sa pagkasira ng mga produktong agrikultural o kawalan ng hanapbuhay sa mga karagatan na malikot at mapanganib.

Ang mamahal ngayon ang isda gaya ng galunggong na P300 na kada kilo, talong na P200 kada kilo at iba pang mga gulay, pusit na P450 kada kilo at iba pa.

Tanging sa mga delata ka na lang makararanas ng gaan sa pagkain at swerte mo kung mabibilang ka sa benepisyaryo ng P20 kada kilong bigas.

MAY LEPTO, DENGUE PA, LAGNAT PA

Makaraan nga ng mga bagyo, ulan at habagat, kasama ang mga high tide, naririyan ang mga baha.

At mula rito, nagkakaroon ngayon tayo ng libo-libo nang biktima ng leptospirosis, dengue, lagnat at sipon at maraming iba pang sakit.

Nagkakaospitalan na at marami nang ospital ang punuan kaya kailangan mong makipagsapalaran kung saan ka pupwedeng maipasok upang makaligtas sa kamatayan.

Magastos pa kahit sinasabing libre ang mga pampublikong ospital.

HINDI PA TAPOS

Aanim pa lang ang bagyong dumating mula sa tinatayang darating na 20 hanggang Disyembre.

Tiyak na mauulit at mauulit ang lahat ng nagaganap ngayon at nangangahulugang darami pa ang maghihirap, magugutom, mawawalan ng tahanan, magkakasakit, masasawi at iba pa.

Palagay ba ninyo, tama bang ipaubaya na lang lahat kay Lord?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here