MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isa pang Japanese national na pinaniniwalaang miyembro ng kilalang “Luffy” gang, na nauugnay sa pagnanakaw, pandaraya, pangingikil, at marahas na krimen sa Japan.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na inaresto ng fugitive search unit (FSU) ng BI noong Martes, si Takuya Hoshino, 23 anyos, sa loob ng kanyang tirahan sa Casimiro Avenue, Bernice Subd., Las Piñas City.
Sinabi ni Viado na si Hoshino ang pinakabagong miyembro ng “Luffy” gang na inaresto ng bureau mula noong nakaraang taon nang iulat ng gobyerno ng Japan ang kanilang presensya sa bansa.
“Like his colleagues in the syndicate whom we have earlier arrested, he, too, will be deported, blacklisted, and banned from re-entering the Philippines,” ani Viado.
Nasa BI warden facility si Hoshino sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang pagpapatupad ng deportation order na inilabas ng board of commissioners ng bureau laban sa kanya noong 2022 dahil sa pagiging undesirable alien.
Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Hoshino ay napapailalim sa outstanding arrest warrant na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 15, 2022 matapos siyang kasuhan ng pagnanakaw na paglabag sa Japanese penal code.
Sinabi ni Sy na si Hoshino at ang kanyang mga kasamahan ay nagnakaw ng mga ATM card, kung saan target nilang biktimahin ang mga matatanda sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga opisyal na nagpapatupad ng batas. Nagsasagawa umano sila ng imbestigasyon para lokohin ang kanilang mga biktima at isuko sa kanila ang kanilang mga bank card.
Mahigit 20 milyong yen, o higit sa US$141,000, na pera ang naiulat na natangay ng mga suspek sa pamamagitan ng hindi awtorisadong pag-withdraw mula sa mga ninakaw na card.
Sa pagsusuri sa travel record ni Hoshino, nag-overstay ito sa bansa nang higit sa limang taon dahil ang kanyang huling pagdating ay noong Okt. 30, 2019. JAY Reyes