MANILA, Philipines – Muling sinimulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Huwebes, Enero 4, ang panghuhuli sa mga iligal na dumaraan sa EDSA Bus Lane.
Huli naman ang ilang motorsta kabilang ang isang opisyal ng barangay San Antonio sa Quezon City na dumaan dito at idinahilan na gumamit lamang siya ng maliit na bahagi ng busway sa Cubao para mag-overtake.
Nangingiyak namang nakiusap ang nahuling isang construction worker at idinahilan na nagmamadali siya para ibigay ang pera pambili ng gamot sa kamag-anak na naaksidente kaya naman dumaan siya sa busway.
Sinabi ni Gabriel Go, officer-in-charge ng MMDA-Special Operations Group-Strike Force, na magiging mahigpit ang mga enforcer sa “intensified” operations para malinis ang busway.
“Sa dami po kasi ng nagba-violate, we already heard so many reasons,” ani Go. “Kung lahat po ito pagbibigyan natin, there’s no sense sa pagpapatupad nitong batas natin. Kung pagbibigyan po namin kayo, lahat po ‘yan pagbibigyan natin.”
Ang mga sasakyang pinapayagang gumamit ng busway ay mga bus na pinahintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na dumaan sa EDSA, on-duty na mga emergency na sasakyan tulad ng mga fire truck, ambulansya, at mga sasakyang pulis.
Ang mga sasakyang pang-serbisyo na direktang kasangkot sa pagpapanatili, pagtatayo, at seguridad sa loob ng EDSA busway ay pinapayagan din.
Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Pangulo ng Senado, ang Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan, gayundin ang Punong Mahistrado ay pinahihintulutang gamitin din ang lane.
Ang multa naman para sa mga lalabag ay ang mga sumusunod:
Unang paglabag – P5,000
Pangalawang paglabag – P10,000 kasama ang isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho at mandatory road safety seminar
Ikatlong paglabag – P20,000 kasama ang isang taong suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho
Ikaapat na paglabag – P30,000 kasama ang rekomendasyon sa LTO para sa pagbawi ng lisensya sa pagmamaneho