Home METRO Modernisasyon ng Phivolcs lusot na sa Bicam

Modernisasyon ng Phivolcs lusot na sa Bicam

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng bicameral conference committee ang pinag-isang bersyon ng Senate Bill 2828 at House Bill 10730 na naglalayong gawing moderno ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Layunin ng panukala na palakasin ang kakayahan ng ahensya sa pagtugon sa mga sakunang dulot ng pagputok ng bulkan, lindol, at iba pang geotectonic na kaganapan sa pamamagitan ng pagpapahusay ng teknolohiya, pagdaragdag ng seismic stations, pagtaas ng pondo, at pagbibigay ng mas mataas na sahod sa mga empleyado nito.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, pangunahing may-akda ng panukala, mahalaga ang papel ng Phivolcs sa disaster risk reduction, lalo na sa Albay kung saan palaging banta ang Mayon Volcano.

Nagpasalamat siya sa bicameral committee sa pagsama ng kanyang mga rekomendasyon at kinilala rin ang kontribusyon ni dating Phivolcs Director at kasalukuyang Science and Technology Secretary Renato Solidum sa disaster management.

Pinuri ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang pagpasa ng panukala, binigyang-diin ang kahalagahan nito dahil sa lokasyon ng Pilipinas sa Pacific Ring of Fire at ang kamakailang aktibidad ng mga bulkang Kanlaon, Mayon, at Taal.

Ang panukala ay hihintayin na lamang ang pinal na pagsang-ayon ng parehong kapulungan ng Kongreso bago isumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pirma. RNT