Manila, Philippines – Umalma ang ilang empleyado ng Bureau of Correction sa umano’y planong monopolyo ng isang kasamahan nila sa ahensya na tinaguriang Atty. Pera dahil sa tila pag-aabogado nito para paboran ang isang food supplier.
Ito’y sa kabila umano ng isinagawang bidding ng Bids and Awards Committee ng ahensya para sa food supply ng mga preso noon pang Nobyembre 8, 2023.
Ayon sa source, kahit nagrekomenda na ang BAC ng mga nanalong bidder, pilit itong hinaharang ni Atty. Pera at hinahanapan ng butas ang ibang supplier para mai-award ang pagpapakain sa iisang kompanya lang.
Dahil dito, lubhang naantala ang proseso at pinangangambahang maapektuhan ang pagpapakain sa mga preso.
Pinagsisigawan pa umano ni Atty. Pera ang buong BAC ng BuCor at Technical Working Group at sinabing iligal umano ang isinagawang bidding at posibleng sumabit ang ahensya.
Natatakot umano ang mga empleyado kay Atty. Pera dahil bukam-bibig nito na papapalitan niya ang sinomang hindi susunod sa kanya.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga nahihintakutang empleyado kay BuCor Director Gen. Gregorio Catapang na imbestigahan ang bagay na ito para mapigilan ang plano ni Atty. Pera na monopolyo sa pagpapakain sa loob ng Bucor. RNT