Home METRO Most wanted ng Parañaque timbog sa manhunt ops

Most wanted ng Parañaque timbog sa manhunt ops

MANILA, Philippines – Sa ikinasang manhunt operation ng pinagsanib na pwersa ng San Dionisio sub-station ng Parañaque City police, CIDG Ilocos Norte, RIU4A, DID-SPD, RSOG RID-NCRPO, Lemery MPS, IPPO, at ng PRO6 ay nadakip ang isang murder suspect na tinaguriang most wanted person (MWP) sa ilalim ng national level Lunes ng gabi, Marso 10.

Sa direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director PBGEN Anthony A. Aberin, pamamatnubay ni Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel J. Abrugena at direktang pamamahala ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante ay nakilala ang nadakip na suspect na si alyas Jimwhel, 38, nagtapos ng high school sa Lemery, Iloilo, at residente ng Barangay Cupang, Antipolo City.

Ayon kay Aberin, nadakip si alyas Jimwhel dakong alas 10:07 ng gabi sa isinagawang manhunt operation na pinangunahan ng Parañaque City police sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Sinabi ni Aberin na naisakatuparan ang pag-aresto sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng mga operatiba laban kay alyas Jimwhel na sangkot sa mga kasong murder at frustrated murder na may kaakibat na P145,000 reward para sa kanyang pag-aresto.

Sa arrest warrant na kinahaharap na kasong murder ng suspect sa ilalim ng Criminal Case No. 2016-7792 ay inilabas noong Enero 14, 2019 ni Judge Rogelio J. Amador ng RTC Branch 66, Barotac Viejo, Iloilo, ay wala itong kaakibat na rekomendasyon ng piyansa habang sa kasong frustrated murder na may Criminal Case No. 2012-5692 na inisyu naman ni Judge Globert J. Justalero ng RTC Branch 66, Barotac Viejo, Iloilo, noong Oktubre 25, 2012, ay napagkalooban ito ng rekomendasyon ng piyansa sa halagang P200,000.

Makaraan ang pag-aresto kay alyas Jimwhel ay dinala ito sa Parañaque City police at pansamantalang ipiinit sa custodial facility ng estasyon habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang piitan.

“This successful operation demonstrates our determination to bring criminals to justice and maintain public safety,” ani Aberin. James I. Catapusan