MANILA, Philippines – Nakadepende umano sa paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema ang muling paglutang ni Senator Bato Dela Rosa kaugnay sa inihain nilang petisyon laban sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Una nang naghain ng petisyon ang kampo ng senador sa Korte Suprema na kumukwestyon sa nasabing hakbang ng gobyerno para arestuhin ang mga kaalyado ng dating pangulong Duterte.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, na siyang tumatayong abogado nina Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso, naghain na sila ng manifestation sa SC tungkol dito para sa pag-aksyon sa petition for certiorari.
Dinepensahan din ng abogado ang kasalukuyang sitwasyon ni Dela Rosa lalo’t nangyari na umano ang ganito sa dating Pangulong Duterte na inaresto at ipinadala sa ICC.
Kaugnay nito, sinabi ni Torreon na wala pa silang kopya ng sinasabing arrest warrant at bigo rin silang makahingi nito.
Tumanggi naman ang abogado na sagutin kung nasa Pilipinas pa rin ang senador.
Si Dela Rosa ay hindi na pumasok sa Senado mula nang mapabalitang may inilabas nang warrant of arrest ang ICC laban sa kanya kaugnay pa rin sa warrant on drugs ng dating administrasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden