
WALA bang masyadong trabahong ginagawa ang mga miyembro ng Philippine National Police lalo na ang mga nakatalaga sa Crime Laboratory partikular sa medico legal division?
Kasi naman, binabalik-balikan pa ang mga nangyari noong 2016 hanggang 2019, ang kasagsagan ng pagpapatupad ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “war on drugs.”
Itong mga kawawang pulis na hindi naman sila nakatalaga pa noong iyon sa forensic ay pilit na ipinahahalukay ang talagang bilang ng mga nasawi sa kampanya laban sa droga.
Paano nga kasi, ipinipilit nitong human rights group na mahigit 30,000 ang nasawi sa kontra droga ni FPRRD gayung 43 lang ang nasa talaan ng International Criminal Court. Pilit na ipinahahanap ngayon ang kakulangan.
Ano kamo? Aba’y saang lupalop ng Pilipinas hahanapin ng mga pulis na ito ng Crime Laboratory lalo na ang mga nagsasagawa ng medico legal ang hinahanap na bilang?
Sa talaan naman ng PNP, pumapalo sa 6,000 ang bilang ng mga nasawi noong kampanya laban sa droga ni dating Pangulong Duterte.
Kaya naman itong mga pulis ay ginalugad na ang mga punerarya para lang makakuha ng bilang ng mga namatay. Pati ang mga imbestigador noong panahon na iyon ay kanilang hinanap upang alamin kung may mga hindi ba sila naitalang pangyayari. Paano iyong iba na retirado na? Saan hahanapin?
Pahirap talaga itong ginagawa ng PNP sa kanilang mga tauhan. Lamang, hindi naman makareklamo itong mga inatasang pulis dahil sumusunod sila sa patakaran na “Obey first, before complaint.”
Sabi nga ng isang opisyal ng Crime Lab na “wala tayong magagawa kasi utos yan ng katas-taasan.” Eh sino iyong kataas-taasan?
Akala natin, dahil sinabi nila, hindi makikipagtulungan ang pamahalaan sa ICC sa imbestigasyon sa war on drugs pero ang ginagawa naman ng mga nasa pwesto ngayon ay kabaligtaran. Pasikreto ang ginagawa nilang pagtulong sa imbestigasyon upang mas lalong madiin si FPRRD sa kasong inihain laban sa kanya sa ICC.
Parang multo ng nakaraan na pilit binabalik-balikan ng mga nasa pamahalaan na sumusunod sa utos ng kataas-taasan. Hindi ba pwedeng itigil na muna ang pamumulitika at unahin ang kapakanan ng taumbayan?
Manahimik na lang sana at huwag nang hukayin pa ang mga kalansay ng pamahalaan sapagkat ang totoo, naging maayos ang pamamalakad ng PNP noon sa war on drugs at huwag na sirain pa ng kasalukuyang namumuno sa nasabing organisasyon para lang magpabida.