
NAGKAPIRMAHAN ng memorandum of agreement ang National Amnesty Commission at ang National Commission on Muslim Filipinos upang mapagtibay ang pagsisikap ng pamahalaan na mapaigi ang amnesty program nito at mapabilis ang reconciliation at reintegration ng mga dating rebelde kasabay na maibalik sila sa tamang lipunan na may maayos at matatag na panuntunan.
Sina NAC Chairperson Leah C. Tanodra-Armamento at ang kapwa niya Amnesty Commissioners Jamar M. Kulayan at Nasser A. Marohomsalic ang pumirma sa MoA kasama sina NCMF Secretary Sabuddin N. Abdurahim at NCMF Directors na sina Jehan-Jehan A. Lepail at Michael M. Mamukid na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City noong May 31.
Ang kasunduan na nagsasama ng ‘efforts’ ang dalawang komisyon sa pagbibigay ng mga ‘legal advice’ hinggil sa Republic Act No. 9997 o ang National Commission on Muslim Filipinos Act of 2009 at iba pang ‘legal matters’ para palalatag ng amnesty sa mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade; Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front at ng iba pang organisasyon tulad ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Layunin ng kasunduang ito ang pagmamantine ng mga naipangakong kaayusan para sa paglalatag ng kapayapaan sa rehiyon.
Sabi nga ni NAC Acting Executive Director Ma. Camille R. Sta. Maria, mahalaga ito upang ang mga dating rebelde ay maibalik sa normal na lipunang ating ginagalawan. Maibalik sa kanila ang mahahalaga nating pinanghahawakang kaugalian tungo sa maayos na pamumuhay.
Ang pagbabalik-loob sa pamahalaan o pagsuko at pagwaksi sa dating maling ideolohiya ay mahalagang maipamalas ng mga nagsisipagbalik-loob sa pamahalaan, bago maiproseso ang kanilang pagyakap sa tamang lipunan.
Hindi nga naman ito isang papel na pinirmahan lamang para masabing may kasunduang naganap. Katibayan ito para sa sama-samang pagkilos sa kapakanan ng dating mga rebelde at ng mga mamamayan nilang napagsamantalahan.
Katibayan din ang MoA na lahat ay naghahangad ng mapayapang komunidad at bawat indibwal na naligaw ng landas ay mabigyan ng pagkakataon na makapagbago at makapagsimulang muli.
Kaya nga nagbigay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng amnestiya upang magkakaiba man ang grupong pinaglalanan nito gaya ng RPM-RPA-ABB, CPP-NPA-NDF; MILF, at MNLF, walang ibang hangarin dito kundi pairalin ang kapayapaan at katahimikan ng bansa.