Home OPINION NADAMAY SI VICE INDAY

NADAMAY SI VICE INDAY

ISANG mambabatas ang kinondina si Vice President Sara Duterte kamakailan sa
pagpapakita nito sa isang prayer rally para suportahan ang ngayon ay nahaharap sa
kabi-kabilang kaso na si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Naganap ito sa Liwasang Bonifacio kung saan si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang
nanguna sa sinasabing prayer rally para kay Pastor Quiboloy.

May masama ba sa pagpunta ni Inday Sara sa nasabing kaganapan? Hindi ba’t sila’y
magkakaibigan? Kaya bakit hindi sisipot ang Bise Presidente sa event na iyon upang
ipanalangin ang kalagayan ni Quiboloy.

Kahit naman tayo, sa mga pagkakataong tumatawag ang ating kaibigan na siya ay
tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang malampasan ang hinaharap na
suliranin, ay agad tayong tumatalima, hindi ba? Isinasama natin sa panalangin ang
kaibigan nating humihingi ng tulong.

Alam ba nila ang panalangin ni VP Inday Sara kaugnay kay Pastor Quiboloy? Anong
malay natin kung ang dalangin niya ay maglinaw ang isipan ng leader at founder ng
Kingdom of Jesus Christ at maisipan nitong lumutang sa Senado at Mababang
Kapulungan ng Kongreso.

‘Yan ang hirap sa atin, mabilis tayo manghusga ng ating kapwa tao.

Anoman ang kinakaharap na kontrobersya, problema o intriga nitong si Pastor
Quiboloy, dadamayan siyempre siya ng kanyang mga kaibigan at mga taga-suporta.

Huwag na nating idamay si Vice President Duterte sa mga isyu Kay Quiboloy. Wala
siyang kinalaman sa mga ito. At para kay VP Sara, ang kanyang pagtungo sa prayer
rally para kay Quiboloy ay suportang ibinibigay sa kanyang kaibigan. Wala ng iba pang
dahilan.

Alam man o hindi ni VP Sara ang mga kinahaharap na kaso ni PACQ, isa lang ang
nais niyang ipakita rito. Isa siyang totoong kaibigan.

Iyan kayang mambabatas na idinadamay si Inday Sara sa mga kaso ni Quiboloy ay
totoo rin sa kanyang mga kaibigan?

Ang alam ko, ayoko nang banggitin pa ang kanyang pangalan at baka sumikat pa ang
mambabatas na ito ay pala kaibigan. Kaibigan siya ng mga nanggugulo sa bansa, ang
mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Tingin mo Usec. Paul Gutierrez? Malaki ba ang tama ko?