Home OPINION MGA PINOY SA HAITI IBAKWIT NA

MGA PINOY SA HAITI IBAKWIT NA

ISANG linggo nang nagbabakwit ang iba’t ibang bansa ng kani-kanilang mga mamamayan sa bansang Haiti.

Ang Pilipinas? Ngayon pa lang pinag-uusapan na hindi naman nakapagtataka dahil kasaysayan na natin lagi ang nasa buntot sa pagbabakwit.

Kabilang sa mga isang linggo nang nagbabakwit ang mismong United Nations, European Union, United States, Germany at iba pa.

Ginagawan ng paraan ng nasabing mga bansa ang pagbabakwit gaya ng paggamit ng mga helikopter at eroplano para mabilis.

BOLUNTARYONG PAGBABAKWIT

Boluntaryong pagbabakwit, hindi sapilitan, ang pinaiiral ng ating pamahalaan sa ngayon.

Nasa 63 Pinoy mula sa mahigit 100 Pinoy umano ang posibleng gustong umuwi ng bansa o basta lumabas sa Haiti para maligtas sa anomang kapahamakan.

Sinasabing wala pa umanong apektadong Pinoy sa giyera sibil sa nasabing bansa.

Pero alam ng lahat na laganap ang gutom dahil kontrolado ang lahat ng nasa 200 gang na may kontrol sa buong Haiti at mahigit dalawang dosena rito ang may kontrol sa Port au-Prince na kapital nito.

Hindi man sila gaanong apektado sa karahasan at kamatayang nagaganap, posibleng may mga nakararanas na ng gutom dahil sira-sira umano ang paghahanapbuhay sa kaguluhang likha ng mga criminal gang.

MALALAKING PROBLEMA

Ang problema, sarado ang Port au-Prince sa paggamit ng mga barko o anomang sasakyang pandagat at maging ang Cap-Haitien International Airport na 120 milya o 193 kilometro sa isa’t isa.

Kung bukas man ang nasabing airport, swertehan lang.

Inaamin lahat ng mga bansa na napakahirap ang pagkuha ng mga mamamayan nila gamit ang mga sasakyang panlupa dahil kahit saan may mga nanghaharang sa mga kalsada.

Kaya naman, mga helikopter ang gamit ng mayayamang bansa sa pagkuha ng kanilang mga mamamayan.

Sa gitna ng ganitong mga kalagayan, dapat mag-isip nang husto ang ating pamahalaan kung paano ibakwit ang mga Pinoy na nagnanais nang umalis sa nasabing bansa.

Paano kaya gamitin ang Dominican Republic na siyang kadikit na bansa ng Haiti para sa pagbabakwit?

Dito kailangan ang pagkilos at pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Dominican Republic para payagan ang mga Pinoy na pumasok sa huli hangga’t kaya nila.

SANA, SANA, SANA

Sa ngayon, hangga’t walang matagumpay na naibabakwit na mga kababayan natin ang pamahalaan, tanging umasa at magdasal nang katakot-takot na sana ang ating magagawa.

Sana, sana, sana maligtas sa kamatayan ang mga Pinoy.

Sana, sana, sana, maligtas sa gutom at pagkakasakit ang mga Pinoy.

Sana, sana, sana, kung makakayanan nila, lumabas na sa Haiti at patungo sa ligtas na lugar gaya ng Dominican Republic ang mga Pinoy at doon na sila kukunin ng pamahalaan.

Sana, sana, sana, magtapos na rin ang giyera sibil sa nasabing bansa.

Sana, sana, sana, gumawa pa rin ang pamahalaan ng mas maigting na patakaran kaysa boluntaryong pagbabakwit at gawin nito ang lahat ng paraan para sa pagbabakwit.

Previous articleNADAMAY SI VICE INDAY
Next articleIsolated rains posible sa ilang parte ng Pinas sa easterlies