NAGKALAT ngayon ang droga, aminin man o hindi ng mga awtoridad.
At lumilikha ito ng hindi maganda sa mga indibidwal, pamilya, komunidad at bansa.
Mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao ang ating nababalitaang droga.
Ang mga huli mismo ng mga awtoridad, partikular ng mga pulis, ang pruweba ng sari-saring droga na nahuhuli kahit saan.
Ang mga tsismis sa mga barangay na nagsibalikan na ang droga kahit saan ay pinatutunayan ng mga panghuhuli ng mga pulis sa mga tulak, adik, druglord, narco-cop at iba pa.
Nagugulat pa nga ang mga opisyal ng barangay na nagdedeklarang drug-free na sila.
Nagugulat sila sa biglaang pagdating ng mga pulis para manghuli ng mga nagse-sesyon sa droga.
O kaya’y manghuli ng mga dayong nagtutulak sa iba’t ibang lugar.
Kapag may mga taga-barangay na adik at handang tumanggap ng mga tulak, tunay bang drug free ang kanilang barangay?
DROGA MALUPIT
Dumarami ang mga krimeng nagaganap sa mga nagdodroga bunga pa rin ng paglaganap ng droga.
Kabilang sa mga pinakahuli, mga Bro, ang patayan ng magbayaw sa Antipolo City.
Unang dumalo sa masayang Christmas party sina Mark Florence Cepe at ang hindi pinangalanang suspek.
Nang makauwi, nagtalo ang dalawa na nakainom na, nakadroga pa.
Nagsimula umano ang krimen sa biro ni Cepe sa suspek na “tagain kita diyan, eh”
Dito napraning ang suspek, kumuha ng itak saka tinaga at sinaksak ang biktima hanggang maputol ang isang kamay nito.
Inunahan umano ng suspek ang biktima.
Nang madakma mismo ng kamag-anak at isurender ang suspek sa mga pulis, sinabi nitong “self defense” ang ginawa niya.
Sa Guagua, Pampanga naitala rin ang nakapaninindig-balahibong kaso ng pag-rape at pagpatay sa isang 9 anyos batang babae, si Princes.
Pumunta siya sa kanyang ina para humingi ng baon para sa pagpasok sa eskwela ngunit bigla siyang nawala sa eskinita.
Makaraan nito, natagpuan na ang kanyang bangkay sa isang garahe na walang saplot, ni-rape at patay na.
Dinakma ng mga pulis si Feliciano Orallo, 50, sa Brgy. St. Anthony, kilalang durugista sa lugar, at sinampahan ng kaukulang kaso.
Sa Iloilo naman, pinatay ng tulak na si Michael Solis si Police Corporal Reo Manero, bagong talaga sa Pototan Municipal Police Station habang nagsasagawa ang huli ng surveillance operation laban sa una.
Sa follow-up operations, nanlaban si Solis at napatay ito ng mga pulis sa hideout nito sa Barotac Nuevo, ayon kay Police Col. Ronaldo Palomo.
MGA DAPAT GAWIN
Dapat na pakinggan ng mga awtoridad, hindi lang ang mga pulis kundi ang mga taga-barangay at iba pa kung ano ang estado ng droga ngayon sa bansa.
Maliban sa pagdami ulit ng mga adik at tulak, naririyan din ang mga kahindi-hindik na krimen o madudugong engkwentro na nagaganap bilang bunga ng lumalaganap na droga.
Isang mahalagang dapat gawin ng pulisya at awtoridad ang pagtiyak na ligtas at hindi kagipitan o kapahamakan ang sasapitin ng mga mamamayan na gustong tumulong sa kanila laban sa mga sangkot sa droga.