MANILA, Philippines – PINURI ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa nilang immigration officer na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang isaoli nito ang isang maliit na bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera na naiwang ng hindi kilalang pasahero sa harap ng kanyang booth.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang babaeng BI officer na si Olivia Ivory Ojeda na pinuri sa kanyang katapatan sa pag-uulat sa kanyang mga superiors ng malaking halaga ng pera na kanyang natagpuan habang naka-duty.
Sinabi ni Tansingco na nasa loob ng kanyang booth si Ojeda habang nagsasagawa ng immigration formalities para sa mga pasahero sa arrival area ng NAIA’s Terminal 1 noong Enero 4 nang mapansin niya ang isang maliit na bag na nakapatong sa ibabaw ng kanyang counter.
Nabatid na naglalaman ng tinatayang P90,000 ang nasabing bag na naiwan ng isang pasahero na nakapila at nagproseso sa counter ni Ojeda.
Nang makita ni Ojeda ang nasabing bag ay agad niya itong iniulat sa kanilang naka-duty na supervisor at pagkatapos ay agad na hinanap ang may-ari sa mga pasaherong nakikipagsiksikan sa baggage conveyor ng airport.
Hindi umano nahanap ang pasahero na may0ari ng nasabing bag kaya’t dinala ito sa lost and found unit ng NAIA.
Ayon kay Tansingco, ang insidente ay nagpapatunay lamang na marami pa ring tapat at matuwid na immigration personnel na gumaganap ng kanilang tungkulin bilang gatekeepers ng bansa.
“Employees like them serve as a source of inspiration to our rank and file as they enhance the reputation and prestige of our bureau as a frontline government agency,” ani Tansingco. JAY Reyes