HINDI masama ang ipakita ng isang Pangulo ang mga ginagawa ng kanyang administrasyon. Ngunit may kaibahan ang pagbibigay ng ulat sa publiko at ang tila sariling pagbibigay ng papuri sa sariling proyekto.
Sa pag-iinspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa High Vacuum Self-Priming Drainage Trailer Pump sa Alido Bridge, Barangay Zapote, Las Piñas City, sinabi niyang epektibo ang ginagawa ng pamahalaan laban sa baha.
Ayon sa Pangulo, dati ay umaabot hanggang dibdib ang baha, samantalang ngayon ay hindi na gaanong malalim at mas mabilis nang humupa.
Magandang balita iyan kung totoong nararamdaman ng mga residente. Pero hindi ba dapat ang mismong mga taong nakakaranas ng baha ang magsabi kung talagang matagumpay ang proyekto?
Mahirap kasing ipagmalaki ang “malaking nabawas” sa baha kung may baha pa rin at maraming lugar ang patuloy na lumulubog kapag malakas ang ulan.
Ang nakatutuwa, mismong si Marcos na rin ang umamin na kulang pa ang ginagawa ng gobyerno.
Binanggit niya ang 12-taong moratorium sa dredging, ang mababaw na ilog at spillway, at ang matagal nang planong spillway sa Las Piñas na hindi natapos. Ibig sabihin, napakatagal nang alam ang problema, ngunit ngayon pa lamang muling seryosong tinutugunan.
Tama rin ang Pangulo sa pagpapaalala tungkol sa basura na bumabara sa mga kanal. May pananagutan ang bawat mamamayan sa tamang pagtatapon. Pero may pananagutan din ang mga lokal at pambansang ahensya sa regular na paglilinis, maayos na drainage system at pangmatagalang flood-control planning.
Maganda ang Waste-to-Energy program. Maganda rin ang tuloy-tuloy na dredging. Ngunit hindi sapat ang magagandang plano at press statement.
Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung gaano kaganda ang pagkakalahad ng proyekto kundi kung gaano karaming Pilipino ang hindi na kailangang lumusong sa baha.
Kaya, Mr. President, ipagpatuloy ninyo ang mga proyekto. Tapusin ang mga nasimulan. At hayaan ninyong taumbayan ang pumalakpak kapag talagang wala nang dahilan para bumaha.
Doon ninyo malalaman kung tunay na epektibo—at hindi lamang nagbubuhat ng sariling bangko.






